Remulla: Bantag ipinahuhukay ang 'Yamashita Treasure' sa loob ng Bilibid

This file photo shows the New Bilibid Prison in Muntinlupa City.
Philstar.com, File

MANILA, Philippines — Naghuhukay para sa diumano'y "Yamashita Treasure" sa compound ng kulungan ang suspendidong hepe ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag, na isa sa mga inirereklamo ng murder sa pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid.

Ito ang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Biyernes, matapos madiskubre ang "unauthorized" excavation sa loob ng New Bilibid Prison.

"[T]hat was supposed to be a treasure hunt for Yamashita treasure originally. I was told by Director General Bantag about it and I told him to stop," wika ni Remulla sa isang pahayag sa mga reporter.

"That’s what he told me before. ‘Yan ang sinabi niya sa akin. Maybe sometime August or September. He opened up to me about it. And I told him, ‘Huwag mo na gawin ‘yan.’"

Tumutukoy ang mga mga ginto ng Yamashita sa mga diumano'y "war loot" na ninakaw sa Southeast Asia ng Imperial Japanese forces noong World War II, bagay na sinasabing itinago sa mga kuweba, lagusan at underground complexes sa iba't ibang lugar sa Pilipinas.

Pinag-aaralan ngayon nina Remulla kung merong pwedeng makasuhan patungkol sa nadiskubreng paghuhukay sa loob ng compound.

Una nang sinabi ni Bantag na parte ito ng joint venture kasama ang Agua Tierra Mina Oro Development Corporation, isang kasunduang hindi raw nalalaman nina dating Justice Secretary Menardo Guevarra at acting BuCor chief Gregorio Catapang Jr. 

Nang matanong si Remulla kung merong permit ang isinasagawang paghuhukay, sinabi niyang hindi niya ito alam lalo na't hindi raw niya magalugad ang bawat sulok ng Bilibid.

"Ridiculous nga eh. Saka you’re wasting government time and money eh. Di ba. Eh di ko alam kung government time and money ang ginamit niya, pero ridiculous para sa akin ano," dagdag pa ni Remulla.

"You’re not there to dig for treasure. You’re there to run the corrections department."

Plano raw sana ng ATOM na gawing business center ang Bilibid kapalit ng donasyon ng 200-ektaryang lupa sa General Tinio, Nueva Ecija kung saan "ililipat" ang dambuhalang piitan.

Dagdag pa ni Bantag, hahatiin ang kikitain ng naturang business center na itatayo sa bilibid sa pagitan ng BuCor (35%) at ATOM (65%).

Una nang sinuspindi si Bantag matapos mamatay sa loob ng Bilibid ang isa sa mga kasabwat diumano sa pagpatay kay Lapid, na kilalang kritiko ng administrasyon nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio at News5

Show comments