MANILA, Philippines — Nangunguna ang Pilipinas sa listahan ng mga global disaster risk hotspots batay sa pinakabagong ulat ng World Risk Index, ang sumusukat sa pagkakalantad at kahinaan ng isang bansa sa mga natural na panganib.
Sa pag-aaral ng Germany-based Bündnis Entwicklung Hilft at ng Institute for International Law of Peace and Armed Conflict (IFHV) sa Ruhr University Bochum, ay nakita na ang Pilipinas ay nakakuha ng index score na 46.82.
Isa rin ang Pilipinas sa mga bansang natukoy na delikado sa mga sakuna dulot ng matinding natural na pangyayari, na kinabibilangan ng lindol, bagyo o pagbaha.
Pumangalawa ang India sa index score na 42.31, pumangatlo ang Indonesia (41.46) at pang-apat ang Colombia (38.37). Ang Mexico, Myanmar, Mozambique, China, Bangladesh at Pakistan ay naging bahagi din ng nangungunang 10 bansa sa mundo na may pinakamataas na marka ng panganib sa kalamidad.
Ang mga “risk hotspot” ay sinasabing matatagpuan sa America at Asia.
Noong 2021, ika-walo ang Pilipinas sa risk index na may markang 21.39 at ika-9 sa mga bansang may pinakamataas na pagkakalantad sa kalamidad.
Ang Pilipinas ay tinatamaan ng average na 20 bagyo bawat taon at heograpikal na matatagpuan sa Pacific Ring of Fire.