MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangangailangang ipagpatuloy ang paglaban sa mapanganib na droga at unahin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pasuporta sa mga plano at programa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Dangerous Drugs Board (DDB).
Sa budget hearing ng Senate committee on finance noong Miyerkules, sinabi ni Go na kung muling lilitaw ang mga problema sa droga, maaaring ganoon din ang problema ng bansa sa krimen at katiwalian.
“Ganito po yan, ‘pag bumalik po ang iligal na droga, siguradong babalik ang kriminalidad at babalik po ang korapsyon. Alam mo, pag pumasok na yung pera ng iligal na droga, madami na pong nabibili. Mas alam ninyo po yan, mga resource persons. Mas alam ninyo po yung problema sa iligal na droga,” ipinunto ni Go.
Bagama’t napakarami nang nagawa ang bansa mula noong 2016 sa paglaban sa droga, sinabi ni Go na hindi dapat itigil ng gobyerno ang kampanya at ipagpatuloy ang nasimulan.
Sinabi ng senador na malayo na ang narating sa laban sa droga, marami nang nakumpiska, nahuli, napanagot at nagbagong buhay sa nakaraang anim na taon.
“Marami ring namatay, maraming nagbuwis ng buhay, lalung-lalo na po yung mga nasa law enforcement agencies natin na nagbuwis ng buhay para labanan po itong iligal na droga,” ani Go.
Kaya sinabi niya na hindi ito ang panahon para magkumpiyansa dahil kinabukasan at kaligtasan ng ating mga anak ang nakasalalay dito sa kampanya laban sa iligal na droga.
Kumpiyansa si Go na ang PDEA at DDB ay nakahanda sa mas malaking hamon sa paglaban sa problema sa droga sa bansa, tulad ng ipinakita na nila sa nakaraang administrasyon.