MANILA, Philippines — In-adjust ng gobyerno ang dating 50% target booster dose coverage nito kontra COVID-19 dahil sa kahirapang maabot ito sa unang 100 araw ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., paliwanag ng Department of Health (DOH).
Ito ang sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, Huwebes, habang gumugulong ang kanilang "PinasLakas campaign."
"Due to the pace at which our booster vaccination is going, we have adjusted our target only for the first 100 days (October 8) to 30%," wika ni Vergeire sa reporters sa isang Viber message.
"Even so, this does not mean we will be lax in our efforts and settle for just reaching 30%. On the contrary, we are doubling down on our campaign to reach and even surpass our target of 30% by October 8 and 50% by the end of the year."
Pagbabahagi pa ng DOH, hindi naman nagbago ang target nilang maabot ang 50% ng total target population bago matapos ang 2022.
Sa katunayan pa nga raw, naabot na raw sa ngayon ang 50% booster vaccination coverages sa ilang rehiyon gaya na lang ng National Capital Region.
"[T]his is why we are working with our different government agencies to target specific sectors and encourage people to get vaccinated by providing incentives," dagdag pa ng kagawaran.
"Ultimately, the government can keep developing new strategies to boost vaccination coverage but we still won't reach our targets if our fellow Filipinos do not get vaccinated."
Kasalukuyang nasa 162.39 milyong doses na ng COVID-19 vaccines ang naituturok sa Pilipinas simula nang igulong ito noong 2021. Pero sa 72.95 milyong nakakumpleto na ng kanilang primary series ng gamot, tanging 19.04 milyong booster doses pa lang ang naipapamigay sa bansa.
Inilabas ng DOH ang nasabing pahayag ilang araw matapos ipatupad ng gobyerno ang "optional" na pagpapasuot ng face masks sa outdoor settings, maliban na lang kung siksikan o pangit ang bentilasyon.
Umabot na sa 3.92 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 simula nang makapasok ito sa Pilipinas noong 2020. Sa bilang na 'yan, patay na ang 62,657. — James Relativo