MANILA, Philippines — Aminado ang Department of Health (DOH) na pinaboran nila ang work from home (WFH) set up ng mga empleyado sa bansa.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergiere, marami nang pag-aaral sa buong mundo na nagsasabing nagbebenepisyo ang isang empleyado sa work from home status.
“Marami na po pag-aaral na lumabas all over the world na lumabas na marami ang nagbenepisyo sa mga WFH arrangement. Hindi lamang po benepisyo ng mga businesses or benepisyo ng ating mga employers pero benepisyo individually,” ani Vergeire.
“Lumalabas sa mga pag-aaral ngayon na ang WFH arrangement have helped our individuals to do this na magkaroon ng mas balanse mentally, physically and they have more parang drive to work,” aniya.
Maliban dito ay makakatulong din aniya ang work from home para mapapababa ang hawahan, hindi lang ng COVID-19 kundi maging ang iba’t ibang mga sakit.
Giit pa ni Vergeire, hangga’t produktibo ang bawat empleyado na naka-work from home at hindi bumababa ang kalidad ng trabaho nito ay pabor sila sa work from home.
“So kung kaya naman po magtrabaho sa bahay ang mga employees at pinapayagan naman at ito po ay makakapag-deliver ng same the output what they have when they are physically present, the DOH is all for this,” dagdag pa ni Vergeire.