Imee Marcos nais lagyan ng 'alak curfew' lugar na madalas ang rape

File photo ng alak
File

MANILA, Philippines — Hinihimok ngayon ni Sen. Imee Marcos ang Philippine National Police (PNP) na makipagtulungan sa mga pamahalaang lungsod patungkol sa posibleng "curfew" sa pagbebenta at pagbili ng alak sa mga lugar kung saan maraming nagagahasa.

Huwebes kasi nang sabihin ni Imee sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na nakapagtala ang kapulisan ng 149 krimen laban sa mga babaeng estudyante, ang ilan dito krimeng sekswal sa mga batang babae sa Kamaynilaan.

Iginiit pa ng kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na marami sa mga kasong ito ay may kinalaman sa alak at droga, at karaniwang nangyayari tuwing panahon ng sweldo, fiesta, tugtugan atbp.

"So siguro makipag-liaise na tayo sa ating mga LGU kung lalagyan ng curfew itong alcohol sales and purchases. Lagyan siguro ng hinto diyan doon sa mga lugar at mga dating laganap ang paggagahasa para hindi na po ito maulit," wika ng senadora.

"Finally, may I make a plea to all of you in the PNP and the rest to contact your international counterparts… and I think it is important that we reach out to the ASEAN security network."

Matatandaang nagpatupad din noon ng matagal-tagal na liquor ban ang Pilipinas noong kasagsagan ng COVID-19 lockdowns, na siyang nakakapagpababa raw ng resistensya laban sa naturang virus.

Bagama't nais ni Marcos na magkaroon ng curfew sa pagkonsumo ng alak, matatandaang tumaas ang kaso ng domestic violence laban sa kababaihan noong panahon ng lockdown kung kailan naghihigpit sa alak. — James Relativo

Show comments