MANILA, Philippines — Muling inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1182 o ang panukalang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act para palakasin ang kapasidad ng mga institusyong pinansyal ng gobyerno na magkakaloob ng tulong sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at iba pang strategically important companies (SICs).
Umaasa si Go na malalampasan ng bansa ang pandemya sa lalong madaling panahon at habang patuloy na ginagawa ang lahat ng mga hakbang para protektahan ang buhay ng mga Pilipino, kailangan aniyang bigyan din ng sapat na pansin ang kabuhayan.
“Walang Pilipino ang dapat maiwan sa ating daan patungo sa ganap at inklusibong pagbangon ng ekonomiya,” ayon kay Go.
Binigyang-diin ng senador na ang pagbibigay ng sapat na suporta sa MSMEs at SICs ay mahalaga sa pagtiyak ng malakas na pagbangon ng ekonomiya.
Maraming negosyo, ayon kay Go, ang labis na naapektuhan ng patuloy na krisis sa kalusugan ng mundo at dapat kumilos ang gobyerno upang ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong upang sila’y makabangon.
“Mas maraming negosyong makababangon, mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng trabaho at kabuhayan. Mas may sapat na pagkain para sa pamilyang Pilipino at mas maraming bata ang makapag-aaral,” anang senador.
Sinabi ni Go na layon ng GUIDE na palakasin ang kapasidad ng Land Bank of the Philippines at ng Development Bank of the Philippines upang makapagbigay ng kinakailangang access sa kredito at tulong pinansyal sa mga nahihirapang negosyo, kabilang ang MSME, SIC at iba pang negosyong apektado.