MANILA, Philippines — Nakatutok ngayon ang Department of Health (DOH) sa Region 8 dahil sa malaking pagtaas ng mga kaso ng Rotavirus sa rehiyon sa nakalipas na apat na linggo.
Ang rotavirus ay ang pinaka-karaniwang sanhi ng diarrhea sa mga sanggol at mga bata. Halos lahat ng bata sa mundo ay dinadapuan nito ng halos isang beses pagsapit ng edad na limang taon.
Sa datos ng DOH, nakapagtala ang Region 8 ng 263 kaso sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo. Mas mataas ito ng 79% sa 147 kaso sa sinundang 5-6 na linggo.
Sa kabila nito, bumaba naman ang kaso ng rotavirus sa Mimaropa na pitong kaso o mas mababa ng 70% sa naitalang 23 sa unang 5-6 linggo habang bumaba rin sa Region 5 na apat na kaso mula sa dating 17 o 76% na pagbaba.
Ayon sa DOH, karaniwang tumataas ang mga ‘food and waterborne diseases’ na nagdudulot ng Cholera, Rotavirus, at typhoid fever tuwing tag-ulan. Nangyayari ito kapag nagkakaroon ng baha na humahalo sa inuming tubig ng tao.
“Rotavirus is evident and reported among children less than 5 years of age,” ayon sa DOH.
Mayroon naman umano na handang rotavirus vaccine na mabibili ‘commercially’. Pinapayuhan ng DOH ang mga magulang at mga guardian ng mga bata na bantayan ang mga sintomas tulad ng diarrhea at magpakonsulta agad kapag natukoy ito.