MANILA, Philippines — Nagsimula ng magpakalat ng pulis ang Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang lugar sa mga paaralan at unibersidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa pagsisimula ng face-to-face classes ngayon.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, may mga police assistance desks sa harap ng mga eskuwelahan na aayuda sa mga estudyante, guro at mga magulang.
Sinabi ni Fajardo na maging ang mga mobile patrols ay nakakalat na rin sa paligid ng mga paaralan laban naman sa mga petty crimes tulad ng snatching.
“Handang-handa na po ang seguridad na ilalatag ng PNP para sa pormal na pagbubukas ng klase bukas. May mga naka-deploy na tayong PNP personnel lalong-lalo na diyan sa mga areas na malalapit sa eskwelahan, including the police assistance desk na ilalagay natin malapit sa mga eskwelahan,” ani Fajardo.
Nabatid na ilang school administrators din ang humiling na magkaroon ng pulis sa loob ng eskuwelahan upang mapawi ang takot ng mga estudyante.
“May mga ibang schools po na pinayagan ang police assistance desk doon po mismo sa loob ng mga eskwelahan. Maganda rin po ang naging response ng DepEd pati na rin ‘yung school administrators kasi may ibang schools na humiling pa nga na kahit papaano ay makapasok ‘yung mga pulis natin sa school,” dagdag pa ni Fajardo.
Matatandaang sinabi ng PNP na aabot sa 23,000 pulis ang ipakakalat sa buong bansa sa pagpapatuloy ng face-to-face classes.