‘Hero sekyu’ sa deadly Ateneo shooting binigyang pugay online

Litrato ni Jeneven Bandiala, isa sa tatlong nasawi sa pamamaril sa Ateneo de Manila University nitong ika-24 ng Hulyo, 2022

MANILA, Philippines — Nagpaabot ng pagpupugay at pakikiramay ang mga netizens sa pamilya ng yumaong Ateneo security guard na isa sa mga napatay sa insidente sa Ateneo De Manila University kahapon, July 24.

Isa si Jeneven Bandiala sa tatlong namatay sa pamamaril, Linggo, kasama sina former Lamitan Mayor Rose Furigay at kanyang aide na si Victor Capistrano. Sugatan rin ang anak ni Furigay at isa pang tagamasid sa naturang insidente.

Si Bandiala ang nabalitang pumigil sa suspek at diumano'y gunman na si Facebook personality Chao Tiao Yumul, na siyang nahuli na.

Sa isang Facebook post na mayroon ng 81,000 reactions, 1,500 comments at 25,000 shares sa pagsulat, binigyang pugay ng mga netizens ang yumaong security guard.

“Hindi lang siya isang security guard sa Ateneo. Tao siya… may pangalan siya,” inihayag ng caption ng post.

"He deserves to be named and recognized."

 

 

Madalas kasi ay napopokus ang pagbabalita sa naturang insidente sa pagkamatay ng dating mayor ng Lamitan City at motibo ng kontrobersyal na suspek na si Yumul.

Nangyayari ang lahat ng ito kahit na nagpapatupad ng gun ban na epektibo simula pa noong nakaraang linggo.

“Isa kang bayani..you died because of fulfilling your duty... rest in peace,” sinabi pa ng isang Filipino Facebook user.

“Rest in peace po you did your work sir, You deserved to be recognised by others. Kung yung mga pulis at sundalo napaparangalan ikaw pa kaya. Hindi biro ang trabaho ng isang guwardiya, pareho sa mga pulis at sundalo binubuwis nila ang buhay nila,” banggit naman ng isa pang Pinoy.

Ayon sa may ari ng viral post sa FB na si Jhei Shiee, ginawa raw niya ang post para ipaalam ang pangalang at bigyan ng kwento ang mga magigiting na indibidwal.

“I hope I made him proud and I also hope I made my professors/ teachers proud of what transpired," sinabi ni Shiee na isa ring Ateneo student.

"Personally, I normalize giving stories behind the faces of individuals. They are not simply their profession or where they came from.”

'Karatungan para kay Jeneven'

Patuloy naman sa paghingi ng hustisiya si Raymond Bandiala sa sinapit ng kanyang kapatid.

"Salamat sa lahat. Sa payo, sa pag-aalaga. Hindi kita makakalimutan," kanyang mensahe sa kapatid. 

"Hustisiya lang po [ang hiling ko kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.]."

Nagpaabot na rin ng kanilang pakikiramay at pagkundena sa nangyari si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Commission on Higher Education at mga local chief executives mula sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. — Philstar.com intern Jomarc Corpuz at may mga ulat mula kay The STAR/Manny Tupas

Show comments