MANILA, Philippines — Kahit matagal nang hiling ng ilang manggagawa ang P750/araw na minimum wage at pagbabasura sa kontraktwalisasyon, aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na wala pang ibinibigay na "marching orders" sa kanila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang 100 araw ng bagong administrasyon.
Paliwanag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, Lunes, ayaw niya raw kasing magpakahon sa mga target at nais kaharapin ang mga problemang pumapasok sa araw-araw.
Related Stories
"Walang tagubilin tungkol sa first 100 days, ano. Kasi ako naman, I would not want to be boxed in in a 100 days target," ani Laguesma sa panayam ng CNN Philippines kanina.
"Every day to me should be something that has to be responded to adequately and accurately upang ng sa ganoon, 'yung mga nakikita nating usaping may kinalaman sa magandang ugnayan ng mga mamumuhunan at mga manggagawa, mabigyan talaga natin ng agarang solusyon."
Una nang sinabi ni Bongbong na gagawin niyang prayoridad ang pagpapasa ng Security of Tenure bill. Sa kabila nito, idiniin niya ang katotohanang may "seasonal" daw talagang mga trabaho.
Sa ngayon, ang mahigpit lang daw na tagubilin ni Marcos Jr. ay tignang mabuti ang mga programa, palakasin at patatagin ang ugnayan ng mga manggagawa at mamumuhunan.
Bukod pa riyan ang malawak na konsultasyon sa mga stakeholders pagdating sa mga programa ng DOLE nang maging mabisa at mabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa mga manggagawa.
"Based on my previous discussions, dialogues with different labor groups even before I assumed office about two, three weeks ago, meron na silang inihaing hindi lang naman grievances o karaingan kung hindi meron ring mungkahi," dagdag pa ni Laguesma.
Matagal nang itinutulak ng mga grupo ng manggagawa gaya ng Kilusang Mayo Uno at Bukluran ng Manggagawang Pilipino ang P750/araw na minimum na pasahod sa buong Pilipinas at ang pagbabasura sa kontraktwalisasyon at "end of contract" (ENDO), na labis na raw pasanin sa mga obrero dahil sa pagpigil nito sa regularisasyon.
Makikipagpulong naman daw ang DOLE sa mga iba't ibang employer's group ngayong linggo. Dagdag pa niya, malaking bahagi ng constituency ng kagawaran ang micro, small and medium enterprises na kailangang bigyang suporta at ayuda.
Bukas sa P750 minimum wage
Wika pa ng kalihim, hindi nila isinasara ang kanilang pintuan sa mga pag-uusap sa pagtataas ng national minimum wage sa P750.
Ilan daw sa mga concern ng labor groups ang job security, income benefits at mas mataas na purchashing power para harapin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
"Hindi kinakailangang yes or no agad. Maaaring dapat pakinggan muna natin ang mga suhestyon, reaksyon at mungkahi ng iba't-ibang sektor," sabi niya pa.
"Sana ang DOLE kasama ang ating Kongreso ay maging enabler ng isang sitwasyon na there will be ease in doing business, there will be less friction among labor groups and their employers, there will be sustained industrial peace, and there will be creation of jobs pati sa countryside at sana po iyan ay maging reality."