120K health workers ‘di pa rin nakakatanggap ng COVID-19 allowance

MANILA, Philippines — Higit sa 120,000 mga healthcare workers at iba pang hospital workers sa bansa ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang One COVID-19 Allowance (OCA).

Kinumpirma ni DOH Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, 400,000 sa 526,727 HCWs pa lamang ang nabibigyan ng kanilang OCA mula sa nasyunal na pamahalaan.

Ito ay makaraang ihayag ni Private Hospitals Association Philippines (PHAPI) president Dr. Jose de Grano na karamihan sa mga pribadong ospital ay hindi pa natatanggap ang kanilang OCA sa kabila ng pagsasabi ng DOH at ng Department of Budget and Management na nailabas na ito.

Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa PHAPI para makapagbigay ng listahan ng mga ospital na hindi pa nabibigyan ng OCA ang kanilang mga HCWs.

Naglaan ang DBM ng P7.92 billion budget para sa OCA sa mga HCWs ng mga pampubliko at pribadong ospital sa bansa.

Nasa P4.5 bilyon nito ay para sa 100,013 plantilla workers ng DOH sa mga pampublikong ospital, opisina at rehabilitation centers kasama na rin ang mga nasa military at state public hospitals.  Ang natitirang P3.42 bilyon naman ay para sa 426,414 HCWs sa mga lokal na pamahalaan at pribadong health facilities.

Ang mga HCWs na nasa ‘high risk’ ay bibigyan ng P9,000 habang P6,000 sa mga nasa medium risk at P3,000 sa mga nasa ‘low risk’.

Show comments