Kaso ng COVID-19 tumataas
MANILA, Philippines — May posibilidad na muling mailagay ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 2 makaraang makapagtala ng karagdagang 308 kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 153 ang mula rehiyon nitong Hunyo 12.
Sinabi ni Health Undersecretary Dr. Maria Rosario Vergeire, na lagi naman itong posibilidad lalo na kung magkakaroon ng pagtaas din sa mga ‘hospital admissions’ sa Metro Manila.
“Ang pinakaimportante, hindi pa natin nakikitang tumataas ang severe and critical na mga kaso, at hindi pa rin po nagkakaroon ng problema sa ating mga ospital,” saad ni Vergeire.
Ipinaliwanag niya na kailangang maintindihan na ngayon ng publiko na kailangang matuto na tayong mamuhay kasama ang virus na hindi na umano aalis.
“The possibility would always be there. Alam po natin hindi ho aalis ang virus na ito, it will stay with us so eto pong mga sakit na nagkakaroon ng mild at asymptomatic, it should be acceptable po to the population,” dagdag ng opisyal.
Kung magkakaroon ng patuloy na pagtaas sa kaso na magreresulta sa pagtaas ng mga admisyon sa mga pagamutan na maaaring magpahirap muli sa mga healthcare workers, dito na maaaring magdesisyon na ibaba ang Alert Level 2.
Sa datos mula sa DOH nitong Linggo, ang 308 bagong kaso ang pinakamataas mula noong Abril 20. Umakyat ang kabuuang kaso sa bansa sa 3,693,222 na may 2,918 aktibo.
Naitala naman ang positivity rate sa 1.9% mula Hunyo 5-11 na mas mataas sa 1.2% na naitala ng sinundang linggo.
Matatandaan na unang inilagay sa Alert Level 1 ang Metro Manila noon pang buwan ng Marso dahil sa malaking pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19.