MANILA, Philippines — Naglatag ng iba’t ibang hakbangin si 1-UTAK Chairman Atty. Vigor Mendoza II upang makaagapay ang publiko sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Una sa talaan ni Mendoza, dating miyembro ng Independent Oil Price Review Committee, ang pagbuhay sa Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na una na ring binanggit ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kanyang town hall discussion sa Marikina City.
Layon ng programa na magkaroon ng pondo na hindi lamang magagamit sa pagbibigay ng ayuda kundi maging sa modernisasyon ng transport sector at suporta sa mga hakbangin upang makalipat ang bansa sa paggamit ng alternative fuel.
Ang pagkakaroon ng OPSF, ayon kay Mendoza ay maihahalintulad din sa two-tier fuel pricing na mas mababa ang presyo para sa public transportation.
Isinusulong din ni Mendoza ang pagkakaroon ng strategically-located fuel storage facilities o ang mas episyenteng fuel delivery system, tulad ng pipeline.
Ikatlo, ay ang pagbuhay sa konsepto ng Metro Manila Transport Corporation noong Marcos Administration na ipinatupad din ni dating LTFRB Chairman Tom Lantion na ang gobyerno ang bibili ng public utility vehicles at papaupahan sa mga kwalipikadong transport groups.