MANILA, Philippines — Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng 43 kaso ng chikungunya mula nitong Enero 1 hanggang Mayo 21 habang patuloy naman ang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Sa datos ng DOH, mas mataas na ng 169% ang kabuuang kaso ng chikungunya kumpara noong nakaraang taon. Nasa 29 kaso o 67% ay natukoy sa Central Visayas habang walo o 19% ang buhat sa Davao region.
Wala pa namang naitatala na nasawi sa naturang sakit.
Ang chikungunya ay isang virus na naililipat sa isang tao sa pamamagitan ng ‘infected’ na lamok. Maaari itong magresulta ng lagnat, pananakit at pamamaga ng mga kasu-kasuan, pananakit ng kalamnan, sakit ng ulo, pagkahilo, pagod at rashes.
Samantala, umabot na sa 34,938 ang naiulat na kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1-Mayo 21. Mas mataas ito ng 23% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa naturang bilang, nasa 4,544 o 13% ang mula sa Central Visayas, 4,312 o 12% sa Central Luzon, at 3,215 o 9% ang sa Zamboanga Peninsula.
Nakitaan din ang Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Bangsamoro Region, at Cordillera Administrative Region ng pagtaas ng kaso ng dengue.
Umabot na sa 180 pasyente ang nasawi dahil sa dengue, ayon pa sa tala ng DOH.