MANILA, Philippines — Bukas ang susunod na kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Cavite Rep. Boying Remulla na i-review ang mga kaso laban kay Sen. Leila de Lima matapos bumaliktad ang ilang tumestigo laban sa opposition lawmaker pagdating sa kalakalan ng droga.
Matatandaang pinili ni presumptive president Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Remulla para tumayong kalihim ng DOJ, bagay na kanyang tinanggap nitong Lunes.
Related Stories
"Of course [I'm open to reviewing it]. Wala pa naman siyang conviction eh," wika ni Remulla sa panayam ng CNN Philippines, Martes.
"That's already a cause of a concern. That is a red flag that there is something wrong. Siyempre noong nabasa ko pa lang 'yan, ang sabi ko, 'Magiging problema ko 'yan. Pag-aaralan ko 'yan.' So we will study it. Pag-aaralan ko 'yan."
Abril lang nang bawiin ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang mga testimonyang nagdidiin kay De Lima sa kalakalan ng droga, bagay na ginawa lang daw niya dahil sa mga "banta" sa kanya ng kapulisan. Sa kabila nito, sinabi ng kasalukuyang DOJ na wala itong magiging epekto sa dalawa pang drug cases ni De Lima lalo na't hindi raw nakalista si Espinosa sa mga saksi ng prosekusyon.
Mayo naman nang bawiin ng key witness sa kaso ni De Lima na si dating Bureau of Corrections Officer-in-Charge Rafael Ragos ang nauna niyang testimonyang nagdala siya ng milyun-milyong halaga pera sa senadora mula sa New Bilibid Prison inmates na sangkot sa iligal na droga.
Ani Ragos, pinwersa lang siya nina dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II para hindi isama sa mga co-accused. Itinanggi ito ni Aguirre.
Taong 2021 lang nang i-abswelto ng Muntinlupa court si De Lima, na kilalang kritiko ng human rights violations at war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa isa sa tatlong kaso niya kaugnay ng iligal na droga. Mahigit limang taon na siyang nakakulong.
Witness protection vs pamemwersa
Dahil sa mga alegasyong humarap sa "pananakot" at "pamemwersa" ang mga tumestigo sa korte at Senado laban kay De Lima, tiniyak ni Remulla na may mga mekanismo namang maaaring gawin gaya ng witness protection program (WPP) para mapigilan ito — pero kailangang maging maingat daw ang gobyerno sa kung sino ang ipapasok sa WPP.
"That's the job of the prosecutors to justify [if] a person's being put under the witness protection program. Resources ng gobyerno ang gagamitin, very extraordinary priviledges ang ibibigay kaya kailangang i-vet bago ilagay sa witness protection program. Dapat mas maging maingat tayo," sabi niya.
"It doesn't mean that they recanted, that they were not telling the truth from the beggining. In all jurisprudence, recantations are frowned upon by the court."
Sa kabila ng mga recantation na nangyari, naninindigan ang kasalukuyang pamunuan ng DOH na "malakas" ang kaso laban kay De Lima. Gayunpaman, bibigyan naman daw ng "serious consideration" ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang hiling niyang pagre-review at pagbasura ng kanyang mga kaso.
Malakas ang panawagan nina Bise Presidente Leni Robredo, human rights groups at mga militanteng grupo na palayain na si De Lima at i-charge ang mga pulis at mga opisyal na nagbanta diumano sa mga testigo.