29 kaso ng EJK, ibinasura ng DOJ

Patuloy naman umano sa pag-aaral sa 352 kaso ng ‘police anti-drug operations’ mula noong 2016 ang ‘inter-agency special composite teams’ na binubuo ng Department of National Defense, AFP, DILG, PNP, NBI at Commission on Human Rights.
Noel Celis/AFP

MANILA, Philippines — Ibinasura na ng Department of Justice (DOJ) ang 29 kaso ng ‘extra judicial killings’ sa listahan ng kanilang isinasagawang imbestigasyon dahil sa kawalan ng mga testigo, ayon kay Secretary Menardo Guevarra.

“Those were very old cases where no witnesses could be found despite diligent efforts of our special investigation teams. And there were many cases where the complainants desisted from pressing charges,” paliwanag ni Guevarra.

Marami umano sa mga kaso ay mas nauna pa bago ilabas ang Administrative Order No. 35 noong 2012 na lumilikha sa Inter-Agency Committee On Extra-Legal Killings, Enforced Disappearances, Torture, and Other Grave Violations of the Right to Life, Liberty and Security of Persons (IAC).

Kabilang sa mga kasong hindi na iimbestigahan ng DOJ ay nangyari noon pang 2002.

Patuloy naman umano sa pag-aaral sa 352 kaso ng ‘police anti-drug operations’ mula noong 2016 ang ‘inter-agency special composite teams’ na binubuo ng Department of National Defense, AFP, DILG, PNP, NBI at Commission on Human Rights.

Nitong Oktubre 2021, inilathala ng DOJ ang resulta ng pagrebyu nila sa 52 kaso na lumalabas na negatibo ang mga napaslang na suspek kahit na nakasaad sa ulat ng pulisya na una silang nagpaputok sa mga pulis.

Show comments