MANILA, Philippines — Posible naman umanong maipatupad ang ‘campaign promise’ ni presumptive President Ferdinand Marcos Jr. na ibaba sa P20 ang kada kilo ng bigas ngunit sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na kailangang magdahan-dahan dito dahil kailangang masusi pang pag-aralan ang lahat ng implikasyon nito.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, noong 2018 ay pinag-aralan nila ang pagpapababa sa presyo ng bigas ngunit dahil sa maiksi ang panahon ng kanilang pag-aaral ay naibaba lamang nila ito sa P35 kada kilo.
“Baka ito pwede pa rin kung talagang pag-aaralan pa natin nang husto paano siya mapapababa,” ayon kay Castelo.
Sa kasalukuyang datos mula sa Department of Agriculture (DA), naglalaro ang presyo ng lokal na bigas sa Metro Manila mula P38 hanggang P50 kada kilo at ang imported na bigas ay nasa P37-P52 kada kilo.
Sa pangako nitong nakaraang kampanya, sinabi ni Marcos na maaaring maibaba hanggang P20 ang presyo ng bigas kung ang ahensya ng pamahalaan ang magsisilbing ‘middlemen’ sa pagbili ng mga ani ng mga magsasaka.
Samantala, naghahanda na rin ang DTI para sa transisyon ng tungkulin sa papasok na bagong administrasyon at mga bagong opisyales ng ahensya.
Isa sa nais ni Trade Secretary Ramon Lopez na ituloy ng darating na bagong lider ng DTI ay ang pagpapalakas at pag-amiyenda sa Consumer and Price Act para mas mabigyang proteksyon sa pagmamalabis ang mga konsyumer.