MANILA, Philippines — Hinimok ni Senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga concerned government agencies na palawigin pa ang deadline para sa pagsusumite ng listahan ng mga tricycle drivers na kuwalipikadong makatanggap ng fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Ginawa ni Eleazar ang apela matapos na matukoy na nasa tatlong rehiyon pa lamang ang nakapagsumite ng mga pangalan ng mga tricycle drivers na kuwalipikadong makatanggap ng fuel subsidy.
Una nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang deadline para sa pagsusumite ng naturang listahan ay hanggang noong Biyernes lamang, Abril 29.
“Ako ay umaapela sa DILG na tumanggap pa ng listahan ng mga pangalan ng tricycle drivers na maaaring tumanggap ng fuel subsidy. Dapat lahat ng tricycle drivers na apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina ay mabigyan ng tulong ng gobyerno,” ayon pa kay Eleazar.
Nanawagan din siya sa iba pang local government units (LGUs) na magsumite na ng kanilang listahan.
“Kung sakaling pumayag ang DILG na magkaroon pa ng extension ng submission ng mga pangalan, ako ay nakikiusap din sa mga LGUs na gawin na agad ang listahan at ipasa na upang mapadali ang pagbibigay ng tulong sa mga tricycle drivers,” ani Eleazar.
Matatandaang nangako si Eleazar na ipaglalaban ang karapatan ng mga tricycle drivers sakaling palarin siyang magwagi sa 2022 senatorial race.
Target aniya niyang mabigyan ang mga ito ng mas marami pang benepisyo at tulong pangkabuhayan.