'Not true': Druglord na si Espinosa binawi drug accusations vs De Lima

File photo ni Kerwin Espinosa
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Habang dinedepensahan ang sarili kaugnay ng hiwalay na criminal complaint, humingi ng tawad ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa kay Sen. Leila de Lima patungkol sa mga paratang niyang nagdiin sa huli sa kalakalan ng droga — bagay na ginawa lang daw niya dahil sa mga "banta" mula sa kapulisan.

Ito ang ibinahagi ni Espinosa sa isang counter-affidavit na ipinarating sa midya ng kanyang abogadong si Raymund Palad.

"[Any] and all of his statements given during the Senate hearings, or in the form of sworn written affidavits, against Senator Leila de Lima are not true. He has no dealings with Sen. De Lima and has not given her any money at any given time," ayon sa naturang dokumento.

"Any statement he made against the Senator are false and was the result only of pressure, coercion, intimidation, and serious threats to his life and family members from the police who instructed him to implicate the Senator into the illegal drug trade."

Wala pang tugon ang Philippine National Police sa Philstar.com tungkol sa mga paratang ni Espinosa.

Ipinadala na raw sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kopya counter-affidavit sa pamamagitan ng e-mail ngunit maghahain pa rin ng printed copy nito sa Department of Justice (DOH) ngayong Huwebes.

Sa kabila nito, sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na hindi witness ng prosecution si Espinosa.

Ang recantation ni Espinosa ay inihain kaugnay ng pending na NBI complaint sa DOJ. Ngayong Miyerkules lang din daw nilagdaan ang naturang counter-affidavit sa Bicutan, ayon kay Palad.

Marso 2022 pa nang ihain ang reklamo matapos tanggalin si Espinosa mula sa Witness Protection Program ng gobyerno.

"For this, undersigned apologizes to Senator De Lima," dagdag pa ng dokumento.

Kasalukuyang tumatakbo sa pagkasenador sa ilalim ng oposisyon si De Lima kahit na nakakulong pa rin dahil sa mga reklamo kaugnay ng iligal na droga.

Matatandaang taong 2021 lang nang i-acquit si De Lima sa isa sa tatlong drug cases na kanyang hinaharap.

Dine-deny din ngayon ni Espinosa ang mga charges na inihain laban sa kanya ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs na ibinatay sa kanyang extra-judicial confession sa mga pagdinig noong ika-23 hanggang ika-5 ng Disyembre 2016 sa Senate Joint Committee on Public Order, Dangerous Drugs and Committee on Justice at Human Rights Inquiry pagdating sa pagpatay kay Mayor Roland Espinosa Sr. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag

Show comments