MANILA, Philippines — Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na naiyak siya sa sinapit ng isang bata na naging biktima ng bagyong Agaton sa Leyte.
Personal na binisita ni Duterte ang mga naging biktima ng bagyo kung saan maraming nasawi sa landslide.
Ayon kay Duterte, kabilang sa binisita niya ang bata sa ospital na nag-iisa na lamang dahil namatay ang mga magulang at mga kapatid nito.
Hindi aniya maisip ni Duterte ang nangyari sa bata kaya naiyak siya.
“I visited the hospital and I saw this child who was all alone. His dad, mom and siblings are all dead. It made me cry and wonder why it had to happen to you. It makes me want to cry. But that is just how life is,” ani Duterte sa salitang Bisaya.
Sa kuwento naman ni Sen. Christopher “Bong” Go, sinabi nito na binigyan ni Duterte ng isang birthday cake at nangako na bibigyan ng regalong kuwintas ang 12 taong gulang na bata na si Steven Lumanta.
Kasama si Go nang bisitahin ni Duterte ang Western Leyte Provincial Hospital sa Baybay City noong Biyernes Santo.
Nagpapagaling aniya si Steven mula sa mga tinamo niyang sugat.
Sinabi ni Go na binigyan din niya ng rosaryo at cellphone ang bata upang makatulong sa kanyang pag-aaral.
Kabilang naman sa binisita kahapon ni Duterte ang Pontevedra Elementary School Evacuation Cente sa Poblacion Tacas, Pontevedra, Capiz.