MANILA, Philippines — Nag-commit ng $100,000 tulong pinansyal ang Pilipinas sa Ukraine bilang ayuda sa mga naapektuhan ng nangyaring pananakop ng Rusya — ito habang naninindigang tatanggap ng mga refugees na lumilikas sa gera.
Ito ang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA), Huwebes, sa ika-30 anibersaryo ng pormal na diplomatic relations sa pagitan ng Maynila at Kyiv.
Related Stories
"In keeping with its long tradition of providing humanitarian assistance, the Philippines stands ready to welcome Ukrainians seeking refuge from the war in their country," sabi ng DFA sa isang pahayag kahapon.
"The Philippines pledged USD100k contribution to the [United Nations] Office for the Coordination of Humanitarian Affairs' Humanitarian Flash Appeal for Ukraine."
Ika-3 lang ng Marso nang sabihin ng Department of Justice na handa ang bansang tanggapin ang mga Ukranian na tumatakas mula sa kaguluhan, na siyang kumitil na nang maraming buhay.
Matatandaang kasama ang Pilipinas sa mga bansang sumuporta sa resolusyon ng UN General Assembly na paalisin ng Moscow ang kanilang mga tropa mula sa Ukraine habang kinukundena ang pananakop at karahasan.
Una nang itinaas ng DFA ang Alert Level 4 sa Ukraine, dahilan para iutos ang sapilitang pagpapaalis ng mga manggagawang Pilipino sa naturang bansa.
Taong 2021 nang umabot sa $131,436,487 ang halaga ng kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Ukraine. Aabot naman sa $126,085,521 naman ang halaga ng inangkat ng naturang bansa sa 'Pinas.
Dumanas ng nagtataasang presyo ng langis sa iba't ibang parte ng mundo, pati na ang Pilipinas, kaugnay ng nasabing tensyon sa Ukraine. — James Relativo