MANILA, Philippines — Ikinagalak ni 4P’s Partylist (Pagtibayan at Palaguin ang Pangkabuhayan Pilipino) spokesman Atty. Norman Tansingco ang pagbabago sa pagbibigay ng cash grant sa milyon-milyong beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD na mula sa dating cash card ay ginawa nang e-wallet.
Sa dating cash card ng Landbank, tanging ATM at over the counter (OTC) maaaring makapag-withdraw ang miyembro ng 4Ps.
Pero sa bagong e-wallet system, ang miyembro ay maari nang makapagdeposit, makatanggap ng remittances at iba pang cash assistance mula sa gobyerno.
Naniniwala si Tansingco na sa ginawa ng DSWD, mas episyente ang serbisyo sa mga maralita kung saan matuturuan din aniya ang milyon-milyong miyembro ng 4Ps na mag-impok para sa kanilang kinabukasan.
Ang pagpapagaan at pagpapabuti ng pamamahagi ng ayuda sa mga miyembro ng pantawid pamilyang pilipino ay isa sa mga programang nais isulong at pagandahin ng inyong 4Ps Party-list sa kongreso. - Joy Cantos
May 'Pataynity' na naman
Mayroon na namang namatay dahil sa hazing sa fraternity. Namatay ang 18-anyos na si Reymart Madraso, 18, estudyante, residente ng Kalayaan, Laguna noong Lunes.
Mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity ang nasa likod ng hazing kung saan bagong recruit na miyembro si Madrazo. Naganap ang hazing sa isang lugar sa Kalayaan. Dinala si Madrazo sa isang ospital sa Pakil, Laguna subalit patay na ito sa rami ng mga pasa at bugbog sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Sa kabila na pagkakaroon ng batas: Republic Act 11053 (Anti-Hazing Law) na ipinasa noong 2018, nananatili pa rin ang hindi makataong pagpapahirap sa mga bagong miyembro ng fraternity.
Sa ilalim ng batas, mahigpit na ipinagbabawal ang hazing at iba pang bayolenteng initiation rites ng fraternities, sororities at iba pang katulad na grupo. Makakasuhan din ang eskuwelahan, leader ng fraternities, magulang at maging ang may-ari ng lugar kung saan naganap ang hazing.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang hazing. Nagpapakita lamang ito na wala pa ring ngipin ang batas ukol sa hazing. Marami pa ring miyembro ng fraternity ang mistulang berdugo sa oras ng initiation.
Noong Pebrero 2021, namatay din ang 23-anyos na Criminology student na si Omer Despabiladera ng Solis Institue of Technology sa Bulan, Sorsogon.
Namatay si Despabiladera dahil sa matinding pahirap ng mga miyembro ng Tau Gamma Fratemity. Ayon sa pulisya, mahigit 20 miyembro ng Tau Gamma ang sangkot sa pagpatay kay Despabiladera. Hindi na nalaman kung ano ang nangyari sa kasong ito.
Noong Setyembre 2017, namatay ang UST law student na si Horacio "Atio" Castillo sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na kanyang kinaaniban. Siyam na miyembro naman ng fraternity ang kasalukuyang nakakulong dahil sa pagpatay kay Castillo.
May hazing din na nagaganap sa Philippine Military Academy (PMA) at Philippine National Police Academy (PNPA). Noong 2019, namatay si Cadet 3rd Class George Carl Magsayo nang suntukin sa sikmura ng isang Cadet 2nd Class. Namilipit sa sakit si Magsayo kaya isinugod sa isang ospital sa Sta. Rosa, Laguna subalit patay na nang idating doon.
Ang kawalan ng ngipin ng Anti-Hazing Law ang dahilan kung bakit patuloy na nangyayari o paulit-ulit na lamang ang hindi makataong pagpapahirap na nauuwi sa kamatayan. Hindi natatakot ang mga miyembro ng fraternity kaya walang katapusan ang "pataynity."
Sana manatiling mababa
KUNG bumababa ang bilang ng COVID cases dito sa ating bansa, kabaliktaran naman ang nangyayari sa iba.
Sa China, may dalawang namatay dahil sa COVID-19 sa loob ng isang taon. Wala na nga ang China sa listahan ng mga bansang mataas ang bilang pero nagkaroon ng surge kamakailan sa ilang lugar.
Sa South Korea, nasa 400,000 ang positibong kaso. Sa Hong Kong, nasa 20,000 ang kaso. Sa Vietnam, nasa 100,000 ang kaso. Sa Japan, Malaysia at Thailand, parehong 20,000. Ang Singapore na unang nagpahayag na wala na silang kaso dahil marami nang nabakunahan ay nasa 10,000.
Sa Europe, hindi rin maganda ang nababalita. Sa France, 100,000 ang kaso habang sa Germany, nasa 200,000. Mataas din sa Netherlands, Italy at Greece.
Nagbabala ang WHO na ang nakikita ngayon ay “tip of the iceberg” lamang. Ibig sabihin, nagsisimula pa lang ang pagkalat ng COVID-19 at maaaring dumami pa.
Sa tingin ko, may kinalaman ang pagtanggal na ng obligasyong magsuot ng face mask o magpakita ng katunayan na bakunado na kapag nasa labas na. Hindi na rin naipatutupad ang physical distancing kaya nagdadagsaan na ang tao kung saan-saan at hindi na sang-ayon sa anumang paghihigpit na nais ipatupad ng kani-kanilang gobyerno.
Napagod na ang tao sa dalawang taong paghihigpit at tila tinanggap ang COVID-19 ay hindi naman mawawala kaya nais nang ibalik sa normal ang buhay. Pero ang mahirap ay may mga namamatay pa rin.
Sa South Korea, 300 ang namatay samantalang sa Europe ay daan-daan na. Kung tinatanggap nang maraming bansa na hindi na mawawala ang COVID sa buhay at matuto nang mabuhay kasama ito, siguraduhin na malaking porsyento ng kani-kanilang populasyon ang nabakunahan na. Bakuna pa rin ang pipigil sa kaso ng COVID na maaaring humantong sa kamatayan.
Nababahala nga ako at tila ngayon lang tayo bumabalik sa normal na buhay kasabay pa ang pangangampanya ng mga kandidato at mga rally na dinadaluhan ng maraming supporters. Hindi na nasusunod ang distancing at wala nang magawa ang Comelec.
Sana hindi tayo magaya sa ibang bansa na nagkakaroon muli ng pagtaas ng bilang. Sana manatili ang mababang bilang o mas mababa pa. - Korina Sanchez