Pera umulan sa Cavite UniTeam pre-event; Comelec itatayo 'Task Force on Vote Buying'

Gov. Jonvic Remulla gives away cash prizes for supporters at a campaign event in Dasmariñas, Cavite on March 22, 2022.
Philstar.com / EC Toledo

MANILA, Philippines — Magtatayo ang Commission on Elections (Comelec) ng "Task Force on Vote Buying" matapos kumalat ang mga panibagong ulat ng pagbili ng boto para sa eleksyong 2022.

Ito ang sabi ni Comelec commissioner George Garcia, Martes, matapos matanong pagdating sa isang video kung saan namimigay ng pera si Cavite Gov. Jonvic Remulla sa ilang supporter bago ang Dasmariñas UniTeam rally.

 

 

Sa kabila nito, sinabi ni Garcia na kailangan pa ring para sa proper proceedings bago ang posibleng pag-prosecute sa kanila kung mapatutunayang nagkasala.

Ayon sa Omnibus Election Code, tumutukoy ang "vote-buying" sa:

Any person who gives, offers or promises money or anything of value, gives or promises any office or employment, franchise or grant, public or private, or makes or offers to make an expenditure, directly or indirectly, or cause an expenditure to be made to any person, association, corporation, entity, or community in order to induce anyone or the public in general to vote for or against any candidate or withhold his vote in the election, or to vote for or against any aspirant for the nomination or choice of a candidate in a convention or similar selection process of a political party.

Sinumang mapatutunayang nagkasala sa anumang election offense ay parurusahan ng hanggang anim na taong pagkakakulong. Wala itong probation at parurusahan din ng disqualification mula sa paghawak ng public office. Tatanggalan din sila ng karapatang bumoto.

Hindi paglabag dahil hindi pa kandidato?

Iginiit naman ni Remulla sa isang ambush interview sa Baranggay Paliparan covered court na hindi election offense ang kanyang pamimigay ng P2,000 at P5,000 sa mga nagpakita ng kanilang talento sa nasabing event.

"I am still not a candidate, until the 25th," sabi niya sa magkahalong Tagalog at Inggles. Ika-25 ng Marso pa kasi magsisimula ang pormal na kampanya ng mga lokal na kandidato.

"It was just a gathering before they arrived."

Pagpupumilit pa niya, magiging UniTeam sortie lang daw ito oras na dumating na ang kanilang mga pambato sa nasyunal gaya nina presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos. "Hindi" raw ito UniTeam sortie kahit na punong-puno ng kanilang campaign materials ang lugar.

Magtatapos ang naturang UniTeam event sa isang grand rally sa General Trias Sports Complex ngayong hapon kung saan unang ikinasa ang pagkalaki-laking rally ni presidential bet at Bise Presidente Leni Robredo nitong Marso. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag at News5

Show comments