MANILA, Philippines — Hindi pabor ang Department of Health (DOH) na ilagay na sa Alert Level 1 ang buong Pilipinas ngayong patuloy ang pagbaba ng lokal na arawang kaso ng COVID-19, habang idinidiing maaaring mawala ang mga napagtagumpayan na laban sa pandemya.
Una nang inirekomenda ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na isailalim sa pinakamaluwag na Alert Level 1 ang COVID-19 restrictions sa buong bansa para mapagaan ang economic effects ng Russian-Ukrainian conflict.
Related Stories
"Hindi pa ngayon. Ayaw nating mawaldas natin ‘yung ating mga napagtagumpayan na," wika ni Health Secretary Francisco Duque III, Martes, sa panayam ng dzBB.
"So kailangan mag-ingat tayo. Pasensya na, kasi ako talaga, ‘yung prinsipyo ko sa buhay, ‘yung laging mas prudent tsaka mas conservative."
Wika pa niya, ang layunin sa ngayon ng gobyerno ay ang pagpigil sa posibilidad ng pagkakaroon uli ng COVID-19 lockdowns, lalo na't malaki ang epekto nito sa ekonomiya.
Una nang sinabi ni Chua na hindi pa maaasahan ang "full economic recovery" sa pamamagitan lang ng pagpapataw ng Alert Level 1, ngunit kailangan rin ang pagbabalik ng face-to-face classes at pagpapabalik sa mga magulang sa harapang trabaho para mapataas ang business activity.
Kasalukuyang nakalagay ang Metro Manila at 38 pang lugar sa Alert Level 1 hanggang ika-15 ng Marso, dahilan para maging 100% capacity na ang lahat ng negosyo, pampublikong transportasyon, atbp. basta't sumusunod pa rin sa pagsusuot ng face masks at minimum public health standards ang lahat.
"Kung darating ang panahon na bababa pa ang ating mga kaso, kasi limang araw na tayong below 1,000, and hopefully maaabot na natin below 500 sa mga susunod na linggo and then mataas ang ating vaccination coverage doon sa rest of the population and senior citizens, ay malaki-laki ang pwede pang iluwag ng ating restrictions at mas maganda pa, lalakas ang daloy ng ating economic activity," dagdag pa ni Duque.