MANILA, Philippines — Ngayong ikasiyam na sunod na linggo nang tumataas ang presyo ng langis kasabay ng Ukranian-Russian crisis, inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng fuel discount vouchers at subsidiyo para sa mga mangingisda at mga magsasaka.
Ilang linggo nang umaaray pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo ang mga naturang sektor, dahilan para maapektuhan ang kanilang kita habang bumaba ang huling isda, atbp. Kaugnay nito, humihiling na ng price ceiling sa mga pangunahing bilihin ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Related Stories
"Inaprubahan din ng Pangulo ang rekomendasyon ng [Department of Agriculture] sa pamamahagi ng fuel discount vouchers sa mga magsasaka at mga mangingisda bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis," ani acting presidential spokesperson Karlo Nograles, Miyerkules, sa Laging Handa briefing.
"On the supply of oil, the President approved the recommendations of the Department of Energy to implement the P2.5-B Pantawid Pasada, and P500-M fuel discount program for farmers and fisherfolks."
Miyerkules lang nang sabihin ni Energy Secretary Alfonso Cusi na lalo pang lalala ang presyo ng gasolina at produktong petrolyo kung titindi pa ang tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia dahil sa pananakop ng huli sa nauna.
Nakahanda rin daw ang gobyerno na ipatupad ang Price Control Law, na nagpapahintulot sa gobyerno na magtakda ng maximum na presyo na maaaring ipataw sa mga "basic necessities" at "prime commodities" na tinukoy sa Republic Act 7581.
Review ng Oil Deregulation Law
"For the medium-term, we call on Congress to review the Oil Deregulation Law, particularly provisions on unbundling the price, and the inclusion of the minimum inventory requirements in the law," dagdag pa ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"[A]s well as giving the government intervention powers/authority to intervene when there is a spike and/or prolonged increase of prices of oil products."
Binibigyan ng Oil Deregulation Law, na matagal nang nais ipabasura ng mga progresibong grupo, ang mga malalaking kumpanya ng langis na malayang magtakda ng presyo nito. Sa tuwing tumataas ang presyo ng langis, kadalasang sumusunod ang presyo ng iba pang produkto na kailangang i-transport mula sa isang bahagi ng bansa patungo sa isa pa.
Kaugnay nito, sinabi ni Nograles lalo pa raw palalaguin ang produksyon at pagpapaigting ng research upang mapababa ang presyo ng feeds at pagbibigay ng logistal support gaya ng food mobilization mula sa mga lalawigang mataas ang produksyon.
Kanina lang nang sabihin ni Ronnel Arambulo, pambansang tagapagsalita ng mga militanteng mangingisda na PAMALAKAYA, na umaabot na sa 80% ng kanilang production expenses ang napupunta sa gastusin sa napakamahal na diesel, dahilan para mabawasan ang kanilang pangingisda.
Nagpaabot naman ng pakikiisa si Duterte sa ngayon pagdating sa mapayapang resolusyon ng pananakop ng Russia sa Ukraine, bagay na dumulot na sa pagkawala nang maraming buhay.
Tinitiyak naman ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National sa pulong nila sa pangulo na nakahanda sila para sa anumang developments kaugnay ng naturang kaguluhan. — James Relativo