MANILA, Philippines — Bunsod ng mga pagpuna sa mga ilaw ng gusali ng Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila na diumano’y may ‘kulay-pulitika’ nagpasiya ang Commission on Elections na palitan na lamang.
Ipinaliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez na ang Palacio del Gobernador ay hindi pagmamay-ari ng Comelec kundi nagrerenta lamang sila.
Nauna rito, may ilang indibidwal ang pumansin sa kulay pula at berdeng ilaw sa harapang bahagi ng gusali.
Ang mga nabanggit na kulay ay ang ginagamit na campaign colors nina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng kanyang running mate na si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.
Ipinaliwanag naman ni Jimenez, na walang kinalaman ang Comelec sa naturang kulay lalo’t nagrerenta lamang sila sa gusali.
“Pero [the concern] has been brought to our attention by a netizen and we felt that’s something we could do right away. So nakikipag-coordinate po kami sa Intramuros administration and I think they have consent to changing the lights. It’s nothing,” aniya pa.
Hindi naman umano batid ni Jimenez kung anong kulay ang ipapalit sa mga naturang ilaw.