Basbas ng El Shaddai, ibinigay sa BBM-Sara

MANILA, Philippines — Pormal ng inendorso ng pinakamalaking Catholic cha­rismatic group sa bansa na El Shaddai, na may mahigit anim na milyong miyembro sa buong mundo, ang kandidatura ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at kanyang running mate na vice-presidential bet Inday Sara Duterte para sa darating na halalan.

Naganap ang pagtataas ng kamay sa pangunguna ni El Shaddai founder Bro. Mike Velarde sa prayer meeting ng grupo nitong Sabado sa Amvel compound, Parañaque City matapos isigaw ng mga dumalo ng misa ang “Brother Mike, the choice is yours!”.

Ayon sa mga miyembro, ito ang unang beses na sa publiko mismo nagtaas ng kamay ang kanilang 82-year-old leader at televangelist.

Sinabi ni Bro. Mike, oras na para magkaisa ang mga Pilipino kaya’t ang BBM-Sara UniTeam ang kanilang napili. Ayon kay Velarde, ang lahat ng kanilang chapters sa labas at loob ng bansa ay susuporta at tutulong sa UniTeam.

Nilinaw din niya na hindi sila umaasa ng kahit anong kapalit sa kanilang pag-endorso kung sakaling mahalal ang UniTeam kundi ang kanilang nais ay ang kaunlaran ng bansa.

Show comments