'Ala-children's party': COVID-19 vaccination ng edad 5-11 nagsimula sa Pilipinas

Makikitang nagpo-posing si San Juan Mayor Francis Zamora kasama ang ilang bata at mascots nina Spiderman at Iron Man sa pagsisimula ng pediatric vaccination sa Metro Manila, ika-7 ng Pebrero, 2022
Video grab mula sa Facebook page ni San Juan Mayor Francis Zamora

MANILA, Philippines — Namistulang circus at children's party ang ilang COVID-19 vaccination sites sa Metro Manila sa pagsisimula ng pagtuturok ng gamot sa mga batang edad lima hanggang 11 ngayong ika-7 ng Pebrero.

Maliban sa mga lobo, mascots, atbp. may libreng tsokolate, candy at magic shows pa ang ilang local government units (LGUs) para i-engganyo ang mga chikiting na makilahok sa pediatric vaccination sa National Capital Region, Lunes.

 

 

 

"Ayon kay Mayora Abby, may nakalaang 10,000 piraso ng premium chocolates ang Makati para sa mga batang magpapabakuna laban sa COVID-19," wika ng City Government of Makati kanina.

"Sa pagbubukas ngayong araw ng Bakuna Makati program para sa mga batang 5-11 years old, siniguro ng Pamahalaang Lungsod na magiging masaya at hindi traumatic ang kanilang vaccination experience."

 

 

Sa Maynila, ginamit din ang newly rehabilitated Manila Zoo bilang isa sa mga pilot sites ng pagpapabakuna sa first dose ng naturang age group.

Ilang pakulo naman ang ginagawa ngayon ng Lungsod ng San Juan para sa mga batang magpapabakuna ngayong araw.

"Magkakaroon tayo ng mga superheroes, magkakaroon ng mga mascots, magic show, mga gumagawa ng balloons, at pagkatapos at meron pa silang mga loot bags na may lamang mga candy," ani San Juan City Mayor Francis Zamora sa isang ulat ng TV Patrol, na present naman sa bakunahan sa  FilOil Flying V Centre kanina.

Sa Caloocan, na nagsasagawa ng kanilang bakunahan sa SM Grand Central at Caloocan City Medical Center (South Caloocan), Caloocan City North Medical Center, Caloocan Sports Complex, at Bagong Silang Elementary School, makakikita ng makukulay na dekorasyong pambata.

"Paalala sa lahat, ang pagtanggap ng mga walk-in para sa nasabing age group ay magsisimula lamang ng ala-1 ng hapon, depende sa availability ng slots," ani Caloocan Mayor Oscar Malapitan. 

"Bibigyang prayoridad ang mga nag-online registration na nakatanggap na ng text message para sa kanilang schedule at gayundin ang mga naka-schedule sa tulong ng DepEd Caloocan."

Ilan sa mga hihingiing requirements doon ay ang:

  • ID ng bata at guardian
  • proof of affiliation tulad ng birth o barangay certificate 
  • Kung may comorbidity o karamdaman, kailangan ang medical certificate

Ilang bata naman ang nagbigay ng kanilang mga personal na testimonials sa Makati City kung bakit sila nagpabakuna, bagay na makakatulong raw sa mabilis na pagbalik ng face-to-face classes.

Ngayong Pebrero lang nang dumating sa Pilipinas ang unang batch ng Pfizer-BioNTech vaccines para sa nasabing age group, bagay na na-delay ng isang araw.

Kamakailan lang nang amyendahan ng Department of Health (DOH) ang memorandum nito para tanggalin ang polisiyang nagpapahintulot sa estado na bigyan ng "consent" ang COVID-19 vaccination ng mga batang lima hanggang 11-anyos kahit na hindi pumayag ang mga magulang ng nabanggit.

Aabot na sa 3.6 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas sa huling ulat ng DOH nitong Linggo. Sa bilang na 'yan, patay na ang 54,526 katao.

Show comments