Bongbong Marcos na-expose sa 2 COVID-19 cases, naka-isolate — spokesperson

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng kampo ng isa pang presidential aspirant na na-expose siya sa ilang COVID-19 positive patients, dahilan para siya'y magkulong sa bahay bilang pag-iingat.

Ito ang tugon ni Vic Rodriguez, tagapagsalita ng presidential aspirant na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na dahilan din kung bakit hindi nakapunta ang huli sa preliminary conference ng Comelec First Division sa tatlong hinaharap na disqualification cases para sa 2022 national elections.

"Yes, Bongbong Marcos was initially exposed to his chief security who is confined in one of the isolation/quarantine facilities since last Tuesday and subsequently to me," wika ni Rodriguez sa panayam ng Philstar.com, Biyernes.

"I was tested yesterday morning and the result came out early today and I'm positive for COVID."

Kanina lang nang magpresenta ng medical certificate mula sa isang doktor ang kampo ni Marcos habang dinidinig ang disqualification cases na inihain ng mga grupo nina Bonifacio Ilagan at Akbayan party-list at sinabing hindi siya makakapunta dahil sa pamamaga ng lalamunan, lagnat (37.8°C).

Inirekomenda na sa kanya ang pag-inom ng paracetamol, atbp. Kinekwestyon ngayon ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon kung bakit hindi makapagpakita man lang si Marcos sa pamamagitan ng isang video. Ang dahilan ng abogado ni Marcos ay baka makapanghawa ng COVID-19. Hindi pwedeng ma-transmit ang virus gamit ang video.

 

 

"[He is in] home isolation," paglilinaw pa ni Rodriguez sa media.

Matatandaang dati nang tinamaan ng COVID-19 ang anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. noong 2020.

Disyembre 2021 lang din nang punahin ng Department of Health (DOH) ang "overcrowding" sa ikinasang political event ni Marcos at kanyang vice presidential runningmate na si Davao City Mayor Sara Duterte sa Nueva Ecija, kung saan makikitang nagtanggal siya ng face mask.

Ngayong umaga lang din nang kumpirmahin ng isa pang presidential aspirant na si Sen. Panfilo "Ping" Lacson na nagpositibo siya sa COVID-19.

Sa huling taya ng DOH nitong Huwebes, aabot na sa 2.88 milyon ang naghahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ang pinakamataas simula ika-27 ng Setyembre. Sa bilang na ito, patay na ang 56,561.

Show comments