MANILA, Philippines — Isa na namang probinsya ang idinagdag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga nasa ilalim ng Alert Level 3, dahilan para maghigpit doon pansamantala sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ang isinaad sa IATF Resolution 155-B Series of 2022 na inilabas noong Miyerkules na nilagdaan nina Health Secretary Francisco Duque III at acting presidential spokesperson Karlo Nograles — parehong chairperson ng task force.
Related Stories
"NOW, THEREFORE, BE IT RESOLVED, as it is hereby resolved, that the IATF approves the recommendation of the sub-Technical Working Group on Data Analytics in escalating Laguna to Alert Level 3 from 07 January 2022, until 15 January 2022," ayon sa resolusyon kahapon.
Dahil dito, kasama na ang Laguna sa Metro Manila, Rizal, Cavite at Bulacan na magpapatupad ng mas mahihigpit na panuntunan laban sa COVID-19 at mas nakahahawang Omicron variant nito habang nananatili sa mas maluwag na Alert Level 2 ang nalalabing bahagi ng Pilipinas.
Nangyari ito isang araw matapos sabihin ni Duque na posible ring i-escalate ang alert level system ng probinsya sa patuloy na pagtaas ng local COVID-19 infections.
Sa ilalim ng alert level 3, suspendido ang mga aktibidad gaya ng:
- face-to-face classes sa basic education (maliban kung aprubahan ng pandemic task force o Office of the President)
- contact sports (malian kung bubble-type set-up)
- mga peryahasn o kid amusement industries gaya ng playgrounds, playroom at kiddie rides
- venues na may live voice o wind-instrument performers at audiences gaya ng karaoke bars, bars, clubs, concert halls at theaters
- casino, karerahan ng kabayo, sabong at sabungan, lotto, tayaan ng sugal atbp. gaming establishments maliban kung payagan ng pandemic task force of Office of the President
- pagtitipun-tipon sa mga bahay ng mga indibidwal na hindi kasama sa parehong kabahayan
Sa kabila nito, pinapayagan dito ang:
- sinehan atbp. mga negosyo sa 30% indoor venue capacity para sa mga fully-vaccinated at 50% outdoor venue capacity.
- 30% indoor capacity para sa mga fully vaccinated at 50% outdoor capacity ang mga aktibidad gaya ng mga burol.
Kahapon lang nang sumirit sa 10,775 ang bagong hawa ng COVID-19 sa Pilipinas, na siyang pinakamataas simula pa noong ika-10 ng Oktubre.
Aabot na sa 2.87 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas ngayon, ayon sa pinakahuling taya ng Department of Health. Samantala, patay na ang 51,662 sa bilang na ito. — James Relativo