MANILA, Philippines — Aabot sa P3.37 bilyon ang kakailanganin ng Department of Education (DepEd) mula sa gobyerno para muling maitayo ang mga paaralan at silid-aralang napinsala ng nagdaang Typhoon Odette — ang pinakamalakas na bagyo sa Pilipinas ngayong 2021.
Sa pre-recorded briefing na isinapubliko ng gobyerno, Martes, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ito ang halagang kakailanganin para sa 1,086 wasak na wasak na classrooms at 1,316 iba pang partially damaged.
Related Stories
"[W]e want to recover, we want to build, but we have to ask how much will it cost to bring us back to what we were before?" banggit ni Briones habang nagpapaliwanag kay Pangulong Rodrigo Duterte.
"We will probably be looking at the 2022 [national] budget as soon as it is passed, and we we'll plead and beg for consideration as we will be probably be using a portion of the... budget for rehabilitation."
Ilan sa mga rehiyong may mga napinsalang silid-aralan ay ang mga sumusunod:
- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (36)
- CARAGA (89)
- MIMAROPA (149)
- Western Visayas (380)
- Central Visayas (287)
- Eastern Visayas (114)
- Northern Mindanao (31)
Kakailanganin ng Western Visayas ang pinakamalaking bahagi hinihiling na budget para sa reconstruction at rehabilitation sa halagang P1.14 bilyon.
Ang mga nabanggit sa itaas ay bahagi lamang ng kabuuang P16.71 bilyong halaga ng pinsalang tinamo ng sektor ng impastruktura, bukod pa sa P5.34 bilyong damages na kinaharap ng agrikultura dahil sa bagyo, ayon sa pinakabagong datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kanina.
Bukod pa riyan, narito ang "estimated cost" para mapalitan ang mga non-infrastructure damages:
- school furnitues (P73.43 milyon)
- learning materials (P26.47 milyon)
- elementarya school computer sets (P657.46 milyon)
- secondary school computer sets (P3.25 bilyon)
"We have tried to be accurate [with the data] as possible because this [typhoons] happen every year ever since I was a child," paliwanag pa ni Briones, na 81-anyos na.
"And so therefore we know what to expect and what to anticipate."
Ang lahat ng ito ay nangyayari ngayong gumugulong na ang pilot implementation ng face-to-face classes sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Patay sa bagyo halos 400 na
Papalo na sa 397 katao ang namamatay dahil sa bagyo sa ngayon habang nasa 1,147 pa ang sinasabing sugatan. Bukod pa ito sa 83 iba pa na nawawala magpahanggang sa ngayon.
Tinatayang tutuntong na sa P129.95 milyong halaga ng tulong na ang naibibigay ng gobyerno sa mga naapektuhan ng bagyo.
Bukod pa riyan, nangako si Digong ng P5,000 kada pamilyang apektado ng bagyo. Gayunpaman, ia-identify pa lang ng gobyerno kung sinu-sino ang mga benepisyaryo nito. Kanina lang nang sabihin ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles na inaasahang mada-download ang mga naturang ayuda sa typhoon-hit areas simula bukas.