MANILA, Philippines — Ikinalungkot ni Partido Reporma senatorial candidate Dra. Minguita Padilla ang umano’y katiwalian sa sistemang pangkalusugan na nangyari sa kasagsagan ng pandemya.
Si Padilla, isang ophthalmologist at co-convenor ng grupong Doctors for Truth and Public Welfare ay pinili mismo ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson para sa senatorial slate ng Partido Reporma dahil sa kanyang paninindigan at pakikiisa sa adbokasiya ng partido laban sa korapsiyon at katiwalian sa gobyerno.
Inilahad ni Padilla na bukod sa overpricing ng test kits, equipment, PPEs, at ambulansiya, “nariyan din ang mga malapit nang mag-expire na gamot na binayaran natin nang buo.”
Bilang isang doktor, nakita mismo ni Padilla kung paano nahirapan ang health sector nang magsimulang kumalat ang COVID-19 sa bansa.
Noong 2015 ay tumestigo siya sa Senate Blue Ribbon Committee at sinabing bagama’t karamihan ng nasa PhilHealth ay tapat sa tungkulin, sadyang may ilang tiwali sa kanilang panunungkulan bilang public servants.
Mayroon din aniyang mga kaso ng advanced payment sa mga ospital gamit ang COVID-19 funds. Mayroon ding mga health centers diumano na nabibigyan ng pondo kahit hindi naman COVID-19 centers.
Kanyang sinabi na ito ang dahilan kung bakit kumilos siya, kasama ang ilang doktor, sa panahon ng pandemya upang makalikom ng pondo para sa pagbili ng mga PPE, kumot, electric fan, at maging washing machine para sa mga medical frontliner na kulang na kulang ang suportang natanggap mula sa pamahalaan.
Ito rin aniya, ang nag-udyok sa kanya upang tumakbo bilang senadora sa darating na halalan.