MANILA, Philippines — Tiniyak ni Cabinet Secretary at acting presidential spokesperson Karlo Nograles na may naghihintay na parusa sa mga hotels na papayag na mas maikli ang araw na ilagi sa kanila ng mga naka-quarantine.
Ginawa ni Nograles ang pahayag sa gitna nang pagpapaigting sa mga protocols tungkol sa mga biyaherong dumarating sa Pilipinas na mula sa Green List at Yellow List countries.
Ipinaliwanag ni Nograles na nasa ilalim pa rin ng public health emergency ang bansa kahit pa patuloy na bumababa ang bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19.
Ang mga mapapatunayang nandadaya sa haba ng araw na dapat ilagi sa isang quarantine facility ay may parusa.
Pero bagaman at may mga naririnig siyang tsismis tungkol sa mga naka-quarantine na pinapayagan ng mga hotels na makalabas ng maaga ay wala pa naman silang nahuhuli.
Ipinaliwanag pa ni Nograles na magkapareho na lamang ang sinusunod na protocols ng mga biyahero na nanggagaling sa Green at Yellow List countries kung saan dapat ay sumailalim muna sa RT-PCR test sa loob ng 72 oras bago bumiyahe patungong Pilipinas at sasailalim sa facility-bassd quarantine pagsapit ng ikatlong araw.
Ang mga dumating sa bansa na walang RT-PCR test bago bumiyahe ay mananatili sa quarantine facility ng mas mahabang araw kung saan isinasagawa ang RT-PCR test sa ika-limang araw.