MANILA, Philippines — Nanawagan si vice presidential candidate at Senador Kiko Pangilinan sa gobyerno na kumilos nang mabilis upang mapigil ang pagpasok ng avian flu sa bansa kasunod ng paglitaw nito sa ilang bahagi ng Asya.
Ayon kay Pangilinan, dapat nang pag-aralan ng pamahalaan ang posibilidad na pag-ban ng poultry products mula sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng avian flu.
Sinabi rin ni Pangilinan na dapat nang paigtingin ang inspeksyon sa mga inaangkat na poultry products sa pamamagitan ng pagtatalaga ng special teams sa mga port, kabilang ang DA personnel para walang makalusot na produkto na kontaminado at hindi nasusuring malinis.
Dapat na ring makipag-ugnayan ang gobyerno sa lokal na poultry industry, malaki man o maliiit, para masiguro na sapat ang supply ng manok lalo na sa inaasahang pagtaas ng demand ngayong Pasko.
Iginiit ni Pangilinan na malapit sa sikmura ng mga Pilipino ang usaping manok dahil kumukonsumo ang bawat Pinoy ng 16.56-M kilo ng karne ng manok kada taon.
Nag-aambag naman ang poultry industry ng mahigit P237 bilyon sa production value ng bansa.
“Nagdeklara ang DA na tayo ay avian flu-free na nitong January 2021. Panatilihin natin ang ganitong status,” ani Pangilinan.