‘KakamPINK Wednesday’ nagsagawa ng kani-kanilang aktibidad sa mahihirap

Ito ang kanilang tugon sa layunin ni Vice President Leni Robredo na gawing daan sa pagkakaisa ang kanyang kampanya at ilabas ang kabutihan sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtulong sa mahihirap na komunidad, lalo ngayong pandemya.
Facebook / Leni Robredo

MANILA, Philippines — Upang makabawas sa epekto ng pandemya sa ­ating mga kababayan at sa ekonomya, nagsagawa ang mga volunteers at supporters ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo ng iba’t ibang aktibidad para sa kapakinabangan ng mahihirap ngayong “KakamPINK Wednesday”.

Ito ang kanilang tugon sa layunin ni Robredo na gawing daan sa pagkakaisa ang kanyang kampanya at ilabas ang kabutihan sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtulong sa mahihirap na komunidad, lalo ngayong pandemya.

Sa Kidapawan City, nagsagawa ang mga supporter at volunteer ni Robredo ng feeding program kung saan namahagi sila ng mainit na “lugaw” at pink na puto” sa mahihirap na residente.

Nagkaroon din ng kahalintulad na aktibidad ang iba pang mga supporter at volunteer sa Barangay Cembo sa Makati City, Sitio Malalad Libertad sa Butuan City, Pagbilao sa lalawigan ng Quezon, San Simon sa Pampanga, at Bagong Silang sa Oriental Mindoro.

Maliban sa “lugaw”, nagpamigay rin ang mga ­miyembro ng Tropang Leni Robredo San Simon Chapter ng mainit na pandesal, nilagang itlog at ­mineral water sa halos 500 katao, na karamihan ay mga bata at senior citizens.

Sa bayan ni Robredo sa Naga City, isang coffee shop na may pangalang Café Ancha ang nagpamigay ng libreng pink pandesal sa mga residente bilang bahagi ng kanilang suporta sa KakamPINK Wednesday ng bise presidente.

Show comments