MANILA, Philippines — Umatras na si Noli ‘Kabayan’ De Castro sa kaniyang pagtakbo sa senatorial derby sa 2022 Elections upang tumutok na lamang sa kaniyang trabaho bilang broadcast journalist.
Sa kaniyang pag-atras, ikinatwiran ni De Castro na sa tingin niya ay makakatulong pa rin siya sa pamamagitan ng serbisyo publiko bilang mamamahayag.
“Gayunpaman, hindi po nagbago ang aking layunin at hangad para sa bayan. Kasabay ng pagdarasal sa Poong Nazareno, napag-isip-isip kong mas makakatulong ako sa pagbibigay ng boses sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamamahayag,” ayon pa kay De Castro.
Nirerespeto naman ni Manila Mayor at Aksyon Demoktratiko president Isko Moreno ang desisyon ni De Castro na tiniyak niyang bahagi pa rin ng kanilang partido.
Isiniwalat pa niya na nahirapan pa nga siya na kumbinsihin ang beteranong brodkaster na bumalik sa politika at tumakbo sa Senado.
“In truth, when my team was convincing him to run once more for the Senate, he contemplated it for a long time,” ayon sa alkalde na tatakbo naman bilang pangulo ng bansa sa 2022.
Sa kabila ng pag-atras, sinabi ni Aksyon Demoktratiko chairperson Ernest Ramel na mananatiling miyembro ng partido si De Castro.