Kumpirmado: Bongbong Marcos inihayag pagtakbo sa pagkapangulo sa 2022

Makikita sa larawan si dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. habang inaanunsyo ang kanyang planong pagtakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas sa susunod na taon, ika-5 ng Oktubre, 2021

MANILA, Philippines (Update 2, 5:27 p.m.) — Pormal nang inanunsyo ng dating senador at anak ng diktador ang intensyong tumakbo sa pinakamataas na pwesto sa gobyerno ng Pilipinas ngayong araw.

Sa isang Facebook live, Martes, sinabi ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na handa na niyang harapin ang hamon ng pagsungkit sa panguluhan sa 2022.

"I am today announcing my intention to run for the presidency of the Philippines in the upcoming May 2022 elections," sambit ni Bongbong sa harap ng limitadong physical audience kanina.

"I will bring that form of unifying leadership back to our country. Hangad kong ibalik ang mapagkaisang paglilingkod na magbubuklod sa ating bansa."

Si Marcos ay tumakbo sa pagka-bise presidente noong 2016 ngunit natalo.

Hindi pa naman malinaw kung anong araw ngayong linggo niya ihahain ang kanyang certificate of candidacy (COC) o kung sino ang kanyang magiging katambal bilang bise presidente.

"Tayo'y magkaisa at sama-sama tayong babangon mula sa hagupit na pandemya, babangon mula sa paglulugmok ng ating ekonomiya," patuloy pa niya.

"Let us bring Filipinos back to one another in service of our country, facing the crisis and the challenges of our future together. Join me in this noblest of causes and we will succeed. Sama-sama tayong babangon muli."

BBM lumipat ng partido

Inilabas ni Marcos ang kanyang pahayag sa parehong araw na idineklara niya ang panunumpa at paglipat ng partido: mula sa Nacionalista Party patungong Partido Federal ng Pilipinas.

"Ako po ay nanumpa bilang kasapi ng Partido Federal ng Pilipinas ngayong kanilang ikatlong anibersaryo," wika ni Bongbong sa hiwalay na paskil kanina.

Ika-24 lang ng Setyembre nang inomina ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), partidong itinayo ng nasira niyang ama na si Ferdinand Marcos, ang kanilang pagnonomina kay Bongbong bilang kanilang standard bearer.

Ninomina rin ng KBL noong araw na 'yon ang kontrobersyal na abogadong si Larry Gadon bilang kanilang senatorial bet para sa darating na halalan.

Inilabas ni Marcos ang kanyang pahayag sa parehong araw na idineklara niya ang panunumpa at paglipat ng partido: mula sa Nacionalista Party patungong Partido Federal ng Pilipinas.

"Ako po ay nanumpa bilang kasapi ng Partido Federal ng Pilipinas ngayong kanilang ikatlong anibersaryo," wika ni Bongbong sa hiwalay na paskil kanina.

Enero 2020 pa lang nang sabihin ni Marcos na balak niyang tumakbo para sa national post sa Mayo 2022. Gayunpaman, hindi pa niya noon kinukumpirma kung para saang posisyon.

Round 2: Marcos vs Robredo?

Taong 2016 nang tumakbo sa pagkabise presidente si Marcos. Sa kabila nito, dinaig siya para rito ni kasalukuyang Bise Presidente Leni Robredo.

Iprinotesta ni Marcos ang kanyang pagkatalo sa paniniwalang siya ang tunay na nagwagi, pero kinatigan ng Korte Suprema sa pamamagitan ng Presidential Electoral Tribunal ang resulta ng nakaraang pambansang halalan.

Una nang inendorso ng opposition coalition na 1Sambayan ang pagtakbo ni Robredo sa panguhulan sa susunod na taon.

Bagama't wala pang pormal na anunsyo si Robredo, una nang binanggit ni 1Sambayan convenor at dating Education Sec. Armin Luistro na ihahain ni Robredo ang kayang COC ngayong araw — ang parehong petsa ng kanyang filing sa pagkabise noong 2016. — may mga ulat mula sa ONE News

Show comments