Gobyerno ‘di raw ‘nabudol’
MANILA, Philippines — Nakahanda si Pharmally Pharmaceutical Corp. Executive Krizle Grace Mago na makasuhan ng perjury matapos nitong bawiin ang naunang testimonya sa Senado kaugnay sa umano’y ‘swindling’ ng kanilang kumpanya sa face shields na ibinenta sa gobyerno.
Sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, tuluyan nang binawi ni Mago ang kontrobersyal na ‘expose’ nito sa Senate Blue Ribbon Committee na tampered o pinalitan umano ang production date ng mga face shields.
Hindi rin umano siya inutusan ni Pharmally treasurer Mohit Dargani para gawin ang pagpapalit sa 2021 sa umano’y expired na face shield na hanggang 2020 lamang.
Ayon kay Mago, haharapin niya ang anumang kaso na posibleng isampa sa kaniya ng Senado sa pagbaliktad o pagbawi ng kaniyang naunang testimonya.
Hindi rin daw totoong binudol o niloko nila ang gobyerno sa mga may damage na face shield na may mantsa at mga yupi na at sa katunayan ay sinuri pa nila ang mga face shield na inihiwalay lamang ang may sira saka ini-repack kung saan tiniyak na maayos ang kondisyon nito bago idineliver.
Isiniwalat nito na sa prosesong ito ay nangyari ang pagkahalo-halo ng mga production certificates pero hindi expired ang kanilang mga face shields.