Sara Duterte, Tito Sotto nanguna sa 2022 Pulse Asia presidential, VP survey

File photos nina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio (kaliwa) at Senate President Vicente "Tito" Sotto III (kanan)
Philstar.com/Kristine Joy Patag, file; The STAR / Geremy Pintolo, File

MANILA, Philippines — Bahagyang nagbago ang kompleksyon ng halalang pambansa sa 2022, kung paniniwalaan ang resulta ng panibagong survey na inilabas ng Pulse Asia ngayong araw.

Bagama't nangunguna pa rin sa presidential survey si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, naungusan na ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkabise presidente, ayon sa bagong pag-aaral na inilabas, Miyerkules.

"With 20% of Filipino adults expressing support for a probable presidential bid by Davao City Mayor Sara Duterte, she emerges as the leading presidentiable as of September 2021," sabi ng Pulse Asia sa kanilang pahayag sa media.

"A quarter of Filipino adults (25%) would elect Senate President Vicente Sotto III as the country’s next vice-president if the May 2022 elections were held during the survey period."

Hulyo lang nang manguna sa presidential at VP survey ng Pulse Asia sina Sara at Digong, mag-amang itinuturong miyembro ng isang "political dynasty" sa Davao City, kahit na ang huli pa lang ang opisyal na nag-aanunsyo ng kanyang kandidatura sa dalawa.

Sa kasaysayan, hindi porke nangunguna ka sa survey ay ikaw na ang mananalo, gaya na lang ng nangyari noon kay dating Sen. Manny Villar na nangunguna sa 2009 Pulse Asia surveys. Natalo siya ni dating Pangulong Noynoy Aquino pagdating ng halalang 2010.

Sara no. 1 presidentiable, kahit 'di pa nag-aanunsyo

Kung isinagawa ang May 2022 national elections sa panahaon ng survey period, lalabas na ito ang "top 10" na kasalukuyang pinapaboran ng publiko manalo:

  • Dutete, Sara "Inday" (20%)
  • Marcos, Ferdinand "Bongbong (15%)
  • Domagoso, Francisco "Isko Moreno" (13%)
  • Pacquiao, Emmanuel "Manny" (12%)
  • Poe, Grace (9%)
  • Robredo Maria Leonor "Leni" (8%)
  • Lacson, Panfilo "Ping" (6%)
  • Cayetano, Alan Peter (4%)
  • Go, Christopher "Bong Go" (3%)
  • Trillanes, Antonio "Sonny" (1%)

 

 

Kung biglang hindi tumakbo sa 2022 ang first choice ng mga respondents sa pagkapresidente, lalabas na si Sen. Grace Poe at dating Sen. Bongbong Marcos ang lyamado sa pagkapangulo:

  • Poe, Grace (14%)
  • Marcos, Ferdinand "Bongbong" (14%)
  • Domagoso, Francisco "Isko Moreno" (13%)
  • Duterte, Sara "Inday" (11%)
  • Go, Christopher "Bong Go" (9%)

"Filipinos are split when it comes to their second choice for president. Should their original presidential candidate decide not to run in May 2022, about the same percentages would instead for vote Senator Poe (14%), former Senator Marcos (14%), Manila Mayor Domagoso (13%), or Davao City Mayor Duterte (11%)," patuloy ng Pulse Asia.

Hindi pa naman opisyal na nag-aanunsyo ng kanyang kandidatura ang presidential daughter na si Sara magpahanggang sa ngayon.

Digong no. 2 na lang

Makikita naman ang biglaang paglamang ni Sotto kay Duterte sa naturang September survey, kung saan lumalabas na 11% ang lamang ng nauna sa posisyon ng pagiging ikalawang pangulo:

  • Sotto, Vicente "Tito" (25%)
  • Duterte, Rodrigo "Digong" (14%)
  • Domagoso, Francisco "Isko Moreno" (12%)
  • Marcos, Ferdinand "Bongbong" (12%)
  • Pacquiao, Emmanuel "Manny" (7%)
  • Go, Christopher "Bong Go" (7%)
  • Cayetano, Alan Peter (6%)
  • Revillame, Willie "Kuya Wil" (4%)
  • Trillanes, Antonio "Sonny" (2%)
  • Angara, Juan Edgardo "Sonny" (2%)

Lumalabas na si Sotto pa rin ang nangunguna sa mga "second choice" sa pagkabise sa 15% habang pumapangalawa naman si Marcos sa 12%.

Matatandaang ngayong buwan lang nang pormal na ianunsyo ni Sotto ang kanyang planong tumakbo sa pagkabise, habang ka-tandem naman niya si Lacson sa pagkapresidente.

Ika-23 lang ng Setyembre nang lagdaan ni Digong ang kanyang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) para sa nominasyon sa kanya ng PDP-Laban sa pagkabise presidente. Gayunpaman, aminado si presidential spokesperson Harry Roque na pwede pang magbago ito sa araw ng filing ng certificate of candidacy sa Oktubre.

60% ng Pinoy kumpleto na iboboto sa Senado

Lumalabas naman na karamihan ng adult Filipinos sa ngayon ang boboto ng kumpletong 12 kandidato sa pagkasenador sa Mayo.

"Most Filipino adults (60%) already have a complete senatorial slate for the May 2022 elections; 15 out of the 53 individuals included in the senatorial electoral probe have a statistical chance of winning, with Mr. Raffy Tulfo (55.2%) and Taguig City-Pateros Representative Alan Peter Cayetano (53.6%) sharing the top spot," patuloy ng mga mananaliksik.

Ang 15 na sinasabing may posibilidad na makasungkit ng pwesto sa Senado ay sina: 

  • Tulfo, Raffy (55.2%)
  • Cayetano, Alan Peter (53.6%)
  • Escudero, Francis "Chiz" (47.9%)
  • Legarda, Loren (47.9%)
  • Domagoso, Francisco "Isko Moreno" (42.3%)
  • Pacquiao, Emmanual "Manny" (42.2%)
  • Lacson, Panfilo "Ping" (40.5%)
  • Marcos, Ferdinand "Bongbong" (40.2%)
  • Revillame, Willie "Kuya Wil" (36.6%)
  • Villar, Mark (36.2%)
  • Binay, Jejomar "Jojo" (29.5%)
  • Estrada, Jinggoy (29.4%)
  • Aquino, Benigno "Bam" (28.3%)
  • Zubiri, Juan Miguel "Migz" (28.3%)
  • Pangilinan, Francis "Kiko" (26.8%)

Isinagawa ang survey fieldwork mula ika-6 hanggang ika-11 ng Setyembre ngayong taon gamit ang harapang panayam ng 2,400 katao. Ang "Ulat ng Bayan" survey na ito ay isinagawa bilang inisyatibo ng grupo at hindi kinomisyon ng sinumang partido.

Show comments