MANILA, Philippines — Ilang miyembro ng Gabinete at mga opisyal ng gobyerno ang hinainan ng reklamo sa Tanggapan ng Ombudsman matapos nilang diumano lumabag sa mga paghihigpit ng pamahalaan laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Ilan sa mga pinangalanan ng grupong Pinoy Aksyon sa kanilang reklamo sa Ombudsman sina presidential spokesperson Harry Roque, Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, San Juan City Mayor Francisco Zamora atbp.
Related Stories
"Clearly, the presidential spokesperson is not only making a mockery of legally mandated minimum public health standards in response to the COVID-19 pandemic, he flaunts his power as if he is beyond the rule of law," ayon sa Pinoy Aksyon, Martes.
Sabi ng convenor ng grupo na si Ben Cyrus Ellorin, nagsampa sila ng reklamo dahil sa:
- paglabag niya ng restrictions sa non-essential travel noong pumunta siya ng Subic para "lumangoy kasama ang mga dolphin" noong Hulyo 2020
- pag-dive sa Boracay noong Pebrero 2021
- pagsasagawa ng pampublikong pagpupulong sa Bantayan Cebu nang "walang social distancing" noong Nobyembre 2020
Inirereklamo naman ngayon ng grupo si Puyat nang dalhin niya diumano ang 6-anyos na anak sa isang biyahe papuntang Bohol kahit pinagbabawalan ng gobyerno bumiyahe ang mga menor de edad.
Idinidiin din ngayon si Sinas, na pinalitan na ngayon ni PNP chief Gen. Gulliermo Eleazar, matapos dumalo sa isang Mañanita noong kanyang kaarawan sa National Capital Region Police Office, kahit na kalagitnaan ng mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) lockdown.
Mga kuha sa pa-birthday kay NCRPO director Maj. Gen. Debold Sinas kahit ipinagbabawal ang "mass gatherings," bagay na binura rin ng PNP mula sa kanilang Facebook. @PilStarNgayon @PhilstarNews
— James Relativo (@james_relativo) May 13, 2020
???? NCRPO pic.twitter.com/TFtunsIVRF
Maliban sa kanila, marami pang ibang kasama sa reklamo ng grupo, na pare-pareho diumanong lumabag sa mga probisyon ng Bayanihan to Heal as One Act (Republic Act 11469).
Roque: Eh 'di magreklamo sila
Hinayaan naman ni Roque ang mga reklamo ng grupo, at sinabing ilan na rito ang naimbestigahan na at walang pinuntahan gaya ng insidente sa Bantayan.
"Eh 'di mabuti [nang naghain sila ng reklamo sa Office of the Ombudsman], nang makita ko po, mapatunayan na wala akong nilabag," wika ni Roque sa isang media briefing kanina.
"Lahat po ng ginawa ko, sang-ayon sa prevailing quarantine classifications. Magsampa na po kayo ng ibang reklamo dahil madi-dismiss lang 'yan."
"Pero we welcome that po, para naman may saysay 'yung mga gustong manggulo ng gobyerno."
Nangyayari ang lahat ng ito habang kaliwa't kanan ang inaaresto, hinuhuli at pinagmumulatang karaniwang tao dahil sa hindi pagsunod sa mga paghihigpit ngayon ng gobyerno sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa huling ulat ng Department of Health, umabot na sa 2.12 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na ang 34,498 sa kanila.