MANILA, Philippines — May nagaganap ng community transmission ng Delta variant sa bansa sa gitna ng tumitinding pagsipa ng mga kaso nito kahit wala pang natutukoy kung saan nagmula.
Ayon kay Philippine Genome Center (PGC) Executive Director Dr. Cynthia Saloma, dahil sa kalat na kalat na sa iba’t-ibang rehiyon sa Pilipinas ang Delta variant, para sa PGC ay mayroon nang community transmission na dahilan ng mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Sa aking palagay, may kinalaman ang Delta variant sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.”
Batay aniya sa isinagawang sequencing, sa national average ay mayroon silang nakitang 5% ng Delta variant cases noong Hunyo ngunit pagsapit ng Hulyo ay umabot na ito kaagad sa 48%.
Sa National Capital Region (NCR), wala pang 5% ng Delta cases ang naitala noong Hunyo ngunit umabot kaagad ito ng 68% noong Hulyo.
“Based on the data of the 5% to 48% and 5% to 68%, in my opinion, the Delta variant has something to do with this to a large degree, as well as to our ASEAN neighbors,” dagdag niya.