MANILA, Philippines — Tinukoy kahapon ng Department of Health (DOH) Regions 6, 8, 11, at 12 bilang high risk areas sa bansa sa COVID-19 dahil sa naitalang mataas na average daily attack rates (ADAR) at hospital bed occupancy.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman, na ang naturang apat na rehiyon ay nakapagtala ng ADAR na mas mataas sa seven cases per 100,000 population, sanhi upang iklasipika sila bilang high risk areas.
Bukod dito, tumaas din aniya ang healthcare at ICU utilization rate ng mga naturang lugar.
“Ibig sabihin, mas mataas than usual ‘yung mga naire-report na kaso araw-araw kumpara sa bilang ng population,” paliwanag pa niya sa isang online forum.
Nabatid na sa Region 11, nasa 71.43% ng hospital beds ang okupado habang 86.22% ng ICU beds ang ginagamit hanggang noong Hunyo 28. Ang ICU utilization rate ay mataas din sa Region 6 sa 83.17% at sa Region 12 na nasa 74.29%.
Ang hospital at ICU bed occupancy rates sa Region 8 naman ay nasa safe zone, ngunit high risk area pa rin ito dahil sa ADAR na 7.05 cases per 100,000 population.
Sinabi ni De Guzman na ang bansa ay nakapagtala ng average na 5,749 bagong daily cases mula Hunyo 23 hanggang 29. Bahagya lamang itong mas mababa sa average na 5,789 daily new infections noong Hunyo 16 hanggang 22.