Dating Pangulong Noynoy Aquino pumanaw sa edad na 61

Litratong ni dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III
Philstar.com, File

MANILA, Philippines (Updated 11:02 a.m.) — Binawian na ng buhay si dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III matapos ang mga ulat na isinugod sa ospital ngayong Huwebes.

Ang balita ay kinumpirma na sa Philstar.com ng isang source.

Sinasabing sumasailalim si Aquino sa dialysis at nagpa-angioplasty. Meron din siyang diebetes at lung cancer, wika na ng isang kaibigan na malapit sa kanyang pamilya.

Si Aquino, na anak nina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Sen. Benigno "Ninoy" Aquino Jr., ang ika-15 presidente ng Republika ng Pilipinas. Siya'y 61 taong gulang.

Ngayong umaga lang nang ibalita ang dagsaan ng mga kawani ng midya sa Capitol Medical Center matapos ibalitang isinugod ang dating presidente sa Capitol Medical Center sa Lungsod ng Quezon.

Inaantay pa rin ang opisyal na pahayag ng pamilya Aquino patungkol sa tunay na dahilan ng pagpanaw ni Noynoy.

Bago maging pangulo, nagsilbi muna siya bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Tarlac noong 1998. Na-reelect siya para sa parehong posisyon noong 2001 at 2004 bago maging senador noong 2007.

Ilan sa mga kontrobersiyang hinarap ng former state leader ang:

  • serye ng mga pag-aresto at pagpatay ng mga aktibista kaugnay ng Oplan Bayanihan
  • pagsasapribado ng public assets sa ilalim ng kanyang public-private-partnership
  • isyu ng katiwalian sa kaugnay ng pork barrel scam at unconstitutional na Disbursement Allocation Program (DAP)
  • Mamasapano massacre
  • pagpasok sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), bagay na napupuna ng mga kritikong labis na pumapabor sa Estados Unidos.

Dati rin siyang nagtrabaho sa kontrobersyal na Central Azucarera de Tarlac na Cojuanco-owned Hacienda Luisita, na kilalang pinagdausan ng masaker ng mga magsasaka matapos ang isang strike ng mga manggawa't manggawang bukid.

Pakikiramay sa pamilya Aquino

Nagpaabot na rin ng panalangin ang dati niyang miyembro ng Gabinete na si Cesar Purisima patungkol sa pagpanaw ng dating state leader.

"Dear Heavenly Father, Thank You for sharing Pnoy with us and giving us the opportunity to help him in his mission. Thank you for loving him and for giving him grace and compassion," ani Purisima.

"We are humbled by the strength you gave him especially knowing how difficult his life’s path has been. We now pray that you give him eternal rest and to give his loved ones strength in this difficult time, we pray in Jesus name, AMEN."

Kinumpirma na rin ni Supreme Court Associate Justice Marivic Leonen ang balita sa ulat ng The STAR, at nagpaabot ng kanyang pakikiramay.

"It is with profound sadness that I learned this morning of the passing of former Presidente Benigno S. Aquino III. I knew him to be a kind man, driven by his passion to serve our people, dilligent in his duties and with an avid and consuming curiousity about new knowledge and the world in general," ani Leonen.

"It was an honor to have served with him. He will be missed."

No comment pa naman sa ngayon ang Liberal Party na kanyang partido pulitikal.

Antabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito

Show comments