MANILA, Philippines — Kinondena ng mga lider ng Indigenous People (IP) sa Surigao ang mga umano’y “kasinungalingang ipinakakalat” ng Makabayan Bloc sa Kongreso hinggil sa pagkakapatay sa tatlo nilang katribu na pinilit na isinali bilang mandirigma ng komunistang-teroristang New People’s Army noong June 15, 2021 sa Barangay Datagan sa Lianga, Surigao del Sur.
Sa ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) nakiusap si Datu Constancio Duhac, lider ng IP sa Lianga, na irespeto ng Makabayan Bloc ang Tribal Council ng Lianga at ang sarili nitong pagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente na nakapaloob sa Republic Act 8371 o ang Indigenous People’s Rights Act (IPRA) ng 1997 lalo pa’t sapilitang dinukot at pilit na ginawang mga mandirigma ng NPA kaya napaslang sa engkwentro sa mga militar.
Naniniwala si Duhac na ang pagpapakalat umano ng maling impormasyon ng Makabayan Bloc ay para lamang makalikom ng donasyon sa mga banyagang organisasyong naloloko ng mga ito.