MANILA, Philippines — Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala para pagkalooban ng libreng annual medical check-up ang mga Pilipino.
Sa botong 245-0 pinagtibay ang House Bill No. 9072 o Free Annual Medical Check-up Bill na sumusuporta sa Universal Health Care Law.
Layunin ng panukala na maisulong ang “right to health” ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng taunang medical check-up na libre sa alinmang pampublikong ospital.
Sa ilalim ng panukala, gagawin nang libre ang pagpapakuha ng blood sugar, cholesterol tests at iba pang pagsusuri sa mga government hospital at kahalintulad na pasilidad.
Una nang ipinanukala sa libreng annual medical checkup ang diagnostic and laboratory tests para sa complete blood count, urinalysis, stool analysis, chest x-ray, at complete physical exam hanggang sa lumabas sa deliberasyon ng technical working group, na limitahan na lamang ang libreng checkup sa pagsusuri sa blood sugar at total cholesterol level.
Huhugutin naman sa PhilHealth ang budget para sa libreng taunang medical check-up ng mga Pilipino.
Posible namang madagdagan ang mga test na maaaring i-avail ng mga tao, depende sa financial capability ng ahensya.