MANILA, Philippines — May bagong nagpaparamdam pagdating sa mga nagbabalak masungkit ang panguluhan sa susunod na taon — sa pagkakataong ito, ang dating vice presidential running mate noon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang ibinulgar ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ilang oras matapos banggitin ni VP Leni Robredo na bukas siyang kumandidato sa pagkapangulo sa darating na 2022 elections.
Related Stories
"I'm seriously considering running for president or for other positions, but I am really praying and discerning about it," sambit ni Cayetano Biyernes sa isang livestream sa kanyang Facebook page.
"I really like the opportunity na maipasa muna ang P10k ayuda and to be part of forming a five year plan. Anyone and everyone who is qualified and could be a good president should contribute on putting together a five year plan para kahit sinong manalo, at least may plano na ang ating bansa."
Ilang buwan nang ikinakampanya ni Cayetano sa television commercials ang P10,000 ayuda para sa mga pamilyang naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng House Bill 8597.
Kaiba sa House Bill 9089 ng Makabayan bloc — na nais magbigay ng P10,000 ayuda sa 18 million mahihirap para sa dalawang buwan — "one-time big time" na ayuda lang ang gusto ni Cayetano.
Matatandaang natalo sa pagkabise presidente noong 2016 si Cayetano, na naging katambal noon ni Digong sa pagtakbo.
Kapansin-pansing hindi kasama si Cayetano sa limang pinagpipiliang iendorso ni Duterte sa pinakamataas na katungkulan sa bansa sa susunod na taon.
Robredo hindi pa nagdedesisyon pero...
Samantala, kanina lang nang kumpirmahin ni Bise Presidente Leni Robredo na hindi niya pa rin napagdedesisyunan kung tatakbong gobernadora ng Camarines Sur. Gayunpaman, hindi pa raw niya isinasara ang pinto sa posibilidad ng pagtakbong presidente.
"Sa gitna ng maraming haka haka, uulitin ko lang ang ilang beses ko na ring sinabi: Wala pang desisyon na ako'y tatakbong gobernador," banggit kanina ni Robredo.
"Nananatili akong bukas na maging kandidato sa pagka-pangulo. Maraming konsiderasyon ang isinasaalang alang pero siguradong mag-dedesisyon ako sa tamang panahon. Sinisiguro ko sa lahat na ipapaalam ko kapag may narating nang desisyon."
Isa si Robredo sa mga nakikitang posibleng standard bearers ng opposition coalition na 1Sambayan.
Sa kabila nito, una na ring sinabi ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na handa siyang kumandidato bilang presidential candidate ng 1Sambayan kung hindi tatanggapin ni Robredo ang panawagang tumakbo sa posisyon.
Sara Duterte ayaw lumipat ng PDP-Laban?
Bagama't binabanggit ni Albay Rep. Joey Salceda na "siguradong tatakbo" sa pagkapresidente si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, kanina lang din nang sabihin ng presidential daughter na wala siyang planong sumapi sa partido ng kanyang tatay na si Digong.
"I will remain with HNP (Hugpong ng Pagbabago) and HTL (Hugpong sa Tawong Lungsod), and I do not intend to join any national political party [like PDP-Laban]," sabi niya sa panayam ng Rappler kanina.
Kaugnay niyan, tila binanatan naman ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang ideya ng back-to-back na pamamahala ng pamilyang Duterte sa Palasyo sa panayam sa kanya ng ANC kanina.
Aniya, ang naturang posisyon ay hindi dapat basta-basta ipinapasa sa kapwa kamag-anak: "Hindi ako naniniwala na ang posisyon sa gobyerno minamana in a democratic government. Ang demokrasya, ang taongbayan ang pumipili; hindi ipinipilit 'yung mga kalahi niya pagkatapos na niya," ani Domagoso.
"Hindi ako naniniwala diyan and I am not gonna vote for that as a voter and I disagree as a citizen of this country."