MANILA, Philippines — "CPP," na accronym din para sa Communist Party of the Philippines, ang tawag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga community pantries na namimigay ng libreng pagkain sa gitna ng gutom habang lockdown.
Ganyan tawagin ni NTF-ELCAC spokesperson Antonio Parlade ang community pantries, MIyerkules, kahit may utos na ang Malacañang at si National Security Adviser Hermogenes Esperon na itigil ang pagkakabit dito sa mga rebeldeng komunista.
Related Stories
"I will not make any further comment on the Community Pantry Ph (CPP) but will continue the charge on other NTF related issues," ani Parlade sa isang Facebook post kanina.
"Im a soldier. I do as Im told. I asked to be replaced earlier on as NTF Spox but NTF wants me to stay put and renewed my designation as NTF spox instead. Now Im told to stand down on the comm pantry issue ONLY so I will heed, as I always do."
On the gag order? There is none. Its media again playing with words to discredit us. Im a soldier. I do as Im told. I...
Posted by Antonio Parlade on Monday, April 26, 2021
Una nang ipinahihinto ni Esperson sina Parlade at NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy sa pagkokomento pagdating sa mga community pantries matapos nilang makailang ulit na ikabit ito sa "paninira sa gobyerno" at "recruitment" ng CPP at New People's Army.
Matatandaang inihambing pa ni Parlade ang mabilis na pagkalat ng community pantries, na unang inorganisa ni Ana Patricia Non, sa "gawain ni Satanas."
Imbestigasyon ng CHR, NBI?
Nakikiusap ngayon si Deputy Speaker Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro) sa Commission on Human Rights (CHR) at National Bureau of Investigation (NBI) na silipin na ang mga insidente ng red-tagging sa mga nasabing pantries, bagay na nagpwersa noon sa original na pwesto nitong mahinto pansamantala dahil sa isyu ng seguridad.
"There is a need to look into the red-tagging activities to put a stop to it if it results in good ideas like community pantries being forced to close down," ani Rodriguez sa kanyang House Resolution 1725.
Walang batas ngayon laban sa red-tagging ngunit una nang inihain ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Senate Bill 2121 para makulong nang hanggang 10 taon ang mga taong gobyerno na gagawa nito.
Nanawagan naman ngayon si Deputy Speaker Mikee Romero (1Pacman party-list) na ilipat na lang ang P16.6 bilyong pondo ng NTF-ELCAC bilang ayuda sa mga nawalan ng trabaho sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Palasyo: Maghinay-hinay sila
Kahapon lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na suportado ng Palasyo ang mga community pantry efforts lalo na't bayanihan ito sa panahon ng kahirapan.
"Nakausap ko na rin po si [National Security Adviser Hermogenes] Esperon, at sinabi naman niya sa akin na pinagsabihan na niya pareho sina [NTF-ELCAC spokespersons Gen. Antonio Parlade Jr. at Lorraine Marie Badoy] na maging mas mahinahon at maging mas maingat sa mga binibitawang salita," ani Roque.
"Wine-welcome natin ang bayanihan natin at community pantries."