Lagpas 1 milyong COVID-19 cases sa Pilipinas naabot na

Nakasuot ng face masks at face shield laban sa COVID-19 ang mga residenteng ito habang nakapila sa isang "community pantry" sa Lungsod ng Quezon para makakuha ng libreng pagkain, ika-21 ng Abril, 2021
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of 8,929 bagong infection ng coronavirus disease Lunes, kung kaya nasa 1,006,428 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.

Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:

  • Lahat ng kaso: 1,006,428

  • Nagpapagaling pa: 74,623, o 7.4% ng total infections

  • Kagagaling lang: 11,333, dahilan para maging 914,952 na lahat ng gumagaling 

  • Kamamatay lang: 70, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 16,853

Anong bago ngayong araw?

  • Sinisingil ngayon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sina Pangulong Rodrigo Duterte at Health Secretary Francisco Duque III sa paglagpas ng COVID-19 infections sa 1 milyon, bagay na idinulot daw ng "kapalpakan" ng gobyerno sa pagharap sa virus: "Duterte and Duque must be accountable for one million COVID cases. The least that they can do is to resign from their positions. Both Duterte and Duque must own up and be accountable for their failures," ani Danilo Ramos, KMP chairperson. 

  • Tila minaliit naman ni Roque ang pag-abot ng Pilipinas sa 1 milyong COVID-19 cases, habang sinasabing hindi lang ang bansa ang humahataw ngayon sa mga kaso: "Talagang nagkaroon po ng mga [COVID-19] variants... For the rest of the world, problema talaga 'yung pagdami ng kaso dahil sa new variants," ani presidential spokesperson Harry Roque kanina.

  • Kanina lang nang irekomenda ng DOH ang isa hanggang dalawang linggong pagpapalawig pa ng modified enhanced community quarantine sa NCR Plus bilang pagtugon sa tuloy-tuloy na mataas na infections sa bansa.

  • Inihain naman ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang House Bill 9252 sa Kamara upang "mandatory" na ibigay ang COVID-19 vaccines sa ilang sektor na tutukuyin mismo ng DOH.

  • Pinag-aaralan naman ngayon ng Malacañang ang suwestyon na magpataw ng "travel ban" sa bansang India dahil na rin sa kumakalat na B.1.6.17 COVID-19 variant doon. Gayunpaman, inilinaw ni Roque kanina na walang direct flight mula Pilipinas patungong India.

  • Umabot na sa halos 146.1 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit 3.1 milyong katao.

— may mga ulat mula kina Xave Gregorio at The STAR/Alexis Romero

Show comments