MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 6,414 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Miyerkules, kung kaya nasa 819,164 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 819,164
- nagpapagaling pa: 158,701, o 19.4% ng total infections
- bagong recover: 163, dahilan para maging 646,404 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 242, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 14,059
Anong bago ngayong araw?
-
Ipinaliwanag ng DOH na kakaonti ang mga bagong kaso ngayong araw matapos makatanggap ng kakarampot na samples ng mga laboratoryo nitong mga nagdaang araw: "The relatively lower number of cases today is due to the low number of samples received by laboratories last April 4, 2021," ayon sa kagawaran.
-
Kinumpirma ni presidential spokesperson Harry Roque na inirekomenda na ng vaccine expert panel (VEP) ang paggamit ng CoronaVac ng Sinovac sa mga senior citizen. Ito ay kahit una nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi nila ito mairerekomenda sa 60-anyos pataas: "The VEP thoroughly discussed the matter amid the current vaccine supply in the country and we hope that this would respond / address the present demand of vaccines," ani Roque.
-
Kinumpirma naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na labag sa Republic Act 9711 ang pamimigay ng 'di rehistradong gamot na "Ivermectin" laban sa COVID-19, bagay na ginagamit orally sa mga hayop. Ang nasabing gamot ay libreng ipinamamahagi ni AnaKalasugan party-list Rep. Mike Defensor sa mga taga-Quezon City "habang wala pang COVID-19 vaccine."
-
Sinabi rin ni Vergeire na bukas ang DOH sa ideya ng regular na pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa mga tao lalo na't may mga lumalabas na pag-aaral na tatlong buwan lang ang proteksyon na ibinibigay nito.
-
Kanina lang nang sabihin ni Sen. Bong Go na hindi matutuloy ang "Talk to the Nation" address ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong gabi matapos mahawaan ng COVID-19 ng ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG). Una nang naintriga ang PSG dahil sa iligal na pagtuturok ng Sinopharm vaccine.
-
Umaabot na sa halos 131.5 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, mahigit 2.9 milyon na ang patay.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio